ni Lolet Abania | October 15, 2021
Inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Biyernes ang opisyal na pagsisimula ng La Niña at katapusan ng Habagat season.
Paliwanag ni PAGASA deputy administrator Esperanza Cayanan sa isang intreview, ang La Niña ay inilalarawan bilang mas malakas na ulan kumpara sa pangkaraniwang ulan.
Ayon sa bureau, ang La Niña ay posibleng tumagal ng hanggang unang quarter ng 2022.
“Rainfall forecast from October 2021 to March 2022 suggests that most parts of the country will likely receive near to above normal rainfall conditions,” pahayag ng PAGASA.
Sinabi pa ng PAGASA na tinatayang apat hanggang anim na tropical cyclones ang inaasahang pumasok o ma-develop sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa panahong ito.
“These tropical cyclones may further enhance the northeast monsoon and could trigger floods, flashfloods, and rain-induced landslides, over susceptible areas, particularly in the eastern sections of the country, which normally receive greater amount of rainfall at this time of the year,” dagdag pa ng PAGASA.
“Adverse impacts are likely over the vulnerable areas and sectors of the country.”
Idineklara na rin ng PAGASA, ang pagtatapos ng Habagat o ang southwest monsoon season, at pagsisimula ng Amihan o ang northeast monsoon season.