ni Thea Janica Teh | October 18, 2020
Isang low pressure area (LPA) ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Linggo nang hapon, Oktubre 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang online briefing, ibinahagi ng PAGASA na namataan ang LPA sa 1,035 kilometrong silangang bahagi ng Virac, Catanduanes.
Kaya naman inaasahan ang malakas na pag-ulan sa ilang lugar sa Eastern Visayas, Caraga at Davao Region sa loob ng 24 oras.
Bukod pa rito, sinabi rin ng PAGASA na maaari itong lumakas at maging bagyo sa darating na 48 oras. Ito umano ay papangalanang bagyong “Pepito”.
Samantala, makararanas din ng pag-ulan na dala ng hangin na posibleng maging sanhi ng pagbaha at lanslide sa mga sumusunod na lugar:
Metro Manila
Cordillera Administrative Region
Cagayan Valley
Central Luzon
Calabarzon
Bicol
Noong simula ng Oktubre 2020, pinaalalahanan na ng PAGASA ang mga Pinoy na magiging maulan sa mga darating na buwan dahil sa La Niña.