top of page
Search

ni Lolet Abania | January 3, 2021




Itinaas na sa orange rainfall warning ang buong katimugang bahagi ng Palawan kabilang ang Kalayaan Group of Islands ngayong Linggo, ayon sa PAGASA.


Sa heavy rainfall advisory ng PAGASA, ngayong alas-2:00 ng hapon, nagbabala ang ahensiya ng posibleng mga pagbaha sa mga mabababang lugar, gayundin ang maaaring landslides.


Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko, maging ang Disaster Risk Reduction and Management Council, na patuloy na mag-ingat at mag-monitor ng kasalukuyang lagay ng panahon.


Ang inilabas na warning ay base sa kasalukuyang radar trends at meteorological data ng PAGASA.


Una nang naglabas ng advisory ang PAGASA ngayong alas-onse ng umaga ng Linggo, na ang tail-end ng isang frontal system ang nakakaapekto sa buong Southern Luzon, kung saan magdudulot ng malakas na pagbuhos ng ulan sa tinatayang 10 lugar sa bansa, kabilang ang Bicol Region, Quezon at Polillo Islands.


Makararanas din ng kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang pagbuhos ng ulan sa buong Metro Manila, MIMAROPA, Visayas, Mindanao, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan at ilang bahagi ng CALABARZON.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 28, 2020




Naabot ng munisipalidad ng La Trinidad, Benguet ang pinakamababang temperatura sa 9.9 degrees Celsius dahil sa hanging amihan nitong Huwebes nang umaga.


Ayon sa PAGASA weather forecaster na si Ariel Rojas, lalo pa itong bababa sa second half ng December at mas lalamig pa pagtungtong ng Enero at Pebrero na peak month ng amihan sa Pilipinas.


Samantala, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang malamig na panahon ay hindi magkakaroon ng malaking epekto sa pagkalat ng COVID-19. Ngunit, pinaalalahanan nito ang lahat na panatilihin pa rin ang pagsunod sa minimum health standards upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 29, 2020




Isa na namang namumuong bagyo ang namataan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Mindanao ngayong Huwebes habang ang binabantayang bagyo sa Central Luzon ay hindi pa nakakapasok ng bansa.


Ang bagyo ay may international name na “Goni” at ito naman ay papangalanang “Rolly” pagpasok ng Pilipinas.


Ito ay huling namataan sa 1,705 km silangang bahagi ng Central Luzon at papuntang kanluran sa 10 kph. Ito ay may maximum wind na 65 kph at may bugso ng hangin sa 80 kph.


Ayon kay PAGASA weather forecaster Ezra Bulquerin, ang namataang bagyo sa silangang bahagi ng Mindanao ay maaaring pumasok ng bansa at magdala ng epekto rito kaya naman umantabay sa update ng PAGASA.


Sa ngayon ay magdadala ng pag-ulan sa Caraga at Davao Region ang intertropical convergence zone (ITCZ) habang makararanas naman ng malakas na hangin ang Ilocos Norte, Apayao, Batanes, Cagayan at Babuyan Island.


Makararanas din ngayong Huwebes ang Metro Manila ng manaka-nakang pag-ulan at pagkidlat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page