ni Mai Ancheta @News | August 6, 2023
Mawawalan ng supply ng tubig ang ilang lugar sa Quezon City, Manila, Caloocan, Navotas at Valenzuela sa Lunes at sa mga susunod pang araw.
Ito ang inilabas na abiso ng Maynilad nitong Sabado kaugnay sa ipatutupad na water service interruption bunsod ng gagawing network maintenance work upang mas mapahusay ang serbisyo sa kanilang consumers.
Sa Quezon City, mahigit 15 mga barangay ang maaapektuhan ng water interruption na magsisimula ng alas-5 ng hapon ng August 7 hanggang alas-5 ng madaling-araw ng August 8.
Kabilang sa mga mawawalan ng tubig ay ang mga lugar ng Payatas sa August 7, habang sa mga susunod na araw ay maaapektuhan ng water interruption ang mga barangay ng Sta. Lucia, Kaligayahan, Don Manuel, Dona Aurora, Sto. Domingo, Tatalon at Mariblo.
Makararanas din ng water interruption hanggang August 14 ang mga barangay ng Bahay Toro, Tandang Sora, Sta. Teresita, San Isidro Labrador, Nova Proper, Nagkaisang Nayon, Sto. Nino, San Isidro Galas, San Bartolome at Bgy. Bagbag.
Pinapayuhan ng Maynilad ang mga maaapektuhang residente na ngayon pa lamang ay mag-imbak na ng tubig upang hindi mahirapan habang ginagawa ang network maintenance sa water facilities ng kumpanya.