ni Lolet Abania | September 1, 2021
Inaprubahan ng Commission on Elections en banc ngayong Miyerkules ang pagsasagawa ng voter registration sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) simula Setyembre 6, 2021.
Sa anunsiyo sa Twitter ni Comelec spokesperson James Jimenez, ang voter registration sa MECQ areas ay magsisimula ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang mga lugar naman na nasa ilalim ng MECQ ay Luzon — Metro Manila, Apayao, Ilocos Norte, Bulacan, Bataan, Cavite, Lucena City, Rizal, at Laguna; Visayas — Aklan, Iloilo Province, Iloilo City, Lapu-Lapu City, Cebu City, Mandaue City sa Region 7, at Mindanao — Cagayan de Oro City.
Gayundin, pinayagan na ng Comelec en banc ang voter registration na isagawa sa loob ng mga malls. Ayon kay Jimenez, maglalabas sila ng iba pang detalye hinggil dito sa susunod na mga araw. Sinabi rin ng opisyal na hanggang Setyembre 30, 2021 ang voter registration.
Matatandaang sinuspinde ang mga aktibidad para sa voter registration sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na quarantine status, at MECQ, ang transition phase naman sa pagitan ng ECQ at ng mas relax na community quarantine.
Tinanggihan naman ng ahensiya ang hiling na ekstensiyon ng voter registration ng hanggang Oktubre 31, 2021, sa halip, ayon sa Comelec, pinalawig nila ang registration hours simula noong Agosto 23. Nitong Biyernes, nakapagtala na ang Comelec ng bilang ng mga registered voters para sa May 2022 polls na umabot sa 61.06 milyong indibidwal.