ni Jenny Rose Albason @News | October 11, 2023
Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration para sa overseas voter sa Israel para sa 2025 midterm elections. Sa isang panayam, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na ginawa ang desisyon sa pulong ng en banc kaninang umaga.
“Nagdesisyon na kanina ang en banc na sinu-suspend na po natin ang registration ng mga kababayan natin sa Israel. Ayaw po nating isakripisyo ang kanilang buhay,” ani Garcia.
“Indefinite po ‘yung suspension natin at wala pa naman tayong pinag-iisipan kung mag-e-extend tayo. Ang importante, protektado at nasa maayos na kalagayan ang mga kababayan natin,” dagdag ni Garcia.
Kaugnay nito, ang voter registration para sa mga overseas voters para sa 2025 election ay nagsimula noong Disyembre 2022.
Ayon sa Comelec, mayroong 13,364 na rehistradong overseas voters sa Israel para sa 2022 national at local elections, kung saan 7,871 o 59% ang aktwal na bumoto. Noong Hulyo 17, 2023, mayroong 9,906 active overseas Filipino voter sa Israel.