ni Anthony E. Servinio @Sports | August 16, 2024
Mga laro ngayong Sabado – N. Aquino
3:00 PM Thailand vs. Vietnam
6:00 PM Pilipinas vs. Indonesia
Gumawa ng ingay ang Alas Pilipinas at pinabagsak ang Vietnam sa pagbubukas ng unang yugto ng SEA Men’s V.League 2024 Biyernes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium – 25-20, 25-22, 18-25 at 25-23. Ito ang pinakaunang tagumpay ng bansa at pinutol ang anim na sunod na talo sa torneo na itinatag noong nakaraang taon.
Nabantayan si kapitan Bryan Bagunas sa ika-apat na set kaya inupo muna siya at nagtrabaho sina Louie Ramirez at Michael Buddin na itulak ang Alas sa 24-21. Lumapit ang Vietnam, 23-24, at iyan ang hudyat para kay Coach Angiolino Frigoni na ibalik si Bagunas na agad inihatid ang nagpapanalong puntos.
Naglabas ng kanyang lakas si Bagunas at agad ibinuhat ang mga Pinoy sa unang set na tinuldukan ng service ace ni Michael Buddin. Noong 2023, apat na set lang ang napagwagian ng Pilipinas at lahat na ito ay kontra Vietnam. Dinoble ng Pilipinas ang lamang at itinayo ang 23-18 bentahe.
Saglit naantala ang pangalawang set bunga ng challenge na inihain ng Vietnam sa ika-25 puntos ng Pilipinas subalit pagbalik ng aksiyon ay nandoon muli si Buddin para sa nagpapanalong puntos. Nakabawi ng bahagya ang mga bisita sa pangatlong set at lumayo sa bisa ng tatlong magkasunod na service ace para maging 23-15. Subalit walang duda na ang gabi ay pagmamay-ari ng Alas Pilipinas.
Ibinura ng panalo ang ala-ala ng mapait na talo ng Pilipinas sa parehong bansa noong unang yugto ng 2023 sa Bogor, Indonesia. Kinuha ng mga Pinoy ang unang dalawang subalit naubusan at tuluyang yumuko sa limang set – 25-22, 25-21, 18-25, 23-25 at 10-15. Susunod para sa mga Pinoy defending champion Indonesia ngayong Sabado.
Susubukan ng mga Indones na bumawi mula sa kanilang 21-25, 23-25 at 20-25 pagkabigo sa Thailand sa pambungad na laro.