ni Gerard Arce @Sports | August 28, 2024
Mga laro (Huwebes)
(Philsports Arena, Pasig City)
Semifinals
4 n.h. – PLDT vs Akari
6 n.g. – Creamline/Petro Gazz vs Cignal
Nagpamalas ng mahusay na maturity at tibay ng dibdib ang PLDT High Speed Hitters sa ika-apat at huling set upang maiselyo ang comeback win sa pangunguna ng magandang patakbo sa opensa ni ace playmaker Kim “Kaf” Fajardo para talunin ang Chery Tiggo Crossovers sa iskor na 25-23, 25-27, 15-25, 25-18, 15-9 upang umabante sa semifinals katapat ang naghihintay na unbeaten at top seed na Akari Chargers sa do-or-die quarterfinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference, kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Namahagi ng pambihirang 23 excellent sets at 2 puntos ang 3-time collegiate champion mula sa De La Salle Lady Spikers at dating national team standout upang mabigyan nito ng 37 puntos si Elena Samoilenko na bumanat ng tatlong sunod na atake at panapos na block sa atake ni Mylene Paat para sa 32 atake.
“Sa akin talaga, tiwala lang sa team at coaches at syempre respeto rin sa kalaban. Di ko puwedeng isipin na merong Reinforced (import) kase buo ang tiwala ko sa kanilang lahat. Sobrang saya namin, halos maiyak na kaming lahat,” pahayag ni Fajardo matapos ang laro.
Naging malaking bahagi rin ng opensa sa 5th set si Majoy Baron na kumamada ng 9 puntos kabilang ang krusyal na block kay Chery Tiggo import Kath Bell para makuha ang 14-9 iskor. Sumegunda sa scoring si Fiola Ceballos sa 12 puntos. Malaking hugot mula sa bench si Kiesha Bedonia sa 8 puntos, Mika Reyes sa 7 at Erika Santos sa anim, habang sumalo ng 24 excellent digs si Kath Arado.