ni Gerard Arce @Sports | January 28, 2023
Isa ang F2 Logistics Cargo Movers sa maituturing na pinakahandang koponan sa 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kasunod ng pagkakakuha sa isa sa mga prize-recruit na si Myla “Bagyong” Pablo upang maidagdag sa puwersang hatid nina Kim Kianna Dy, Mary Joy Baron at kapitana Aby Marano sa pagbubukas ng komperensiya simula Peb. 4 sa Smart Araneta Coliseum.
Dumaan din sa balasahan ang line-up ng Cargo Movers nang magsimula sa pagkakaroon ng bagong head coach sa katauhan ni dating Philippine youth team at dating National University girl’s chief tactician at La Salle libero Regine Diego, at pagdating sa line-up nina Pablo, dating NU lady spiker Chinnie Pia Arroyo at pagbabalik ni 4-time UAAP champion mula La Salle Lady Green Archers dating F2 team captain Cha Cruz-Behag.
Nawala naman sa Cargo Movers sina Fil-Canadian Tine Tiamzon, Des Clemente, Dzi Gervacio, Chloe Cortez, Alex Cabanos at Rem Cailing, habang pansamantalang wala sa line-up si Fil-American Kalei Mau dahil sa paglalaro sa ibang bansa bilang import.
“May mga teams rin na nag-revamp, so nakaka-excite din kung anong klase ng tono ng teams. We don't know kung anong teams 'yung magdo-dominate,” pahayag ni Maraño sa isang report. “Parang to me, lahat ng teams may potential to get into the top. Talagang na-excite lang talaga ako, nae-excite ako sobra-sobra kaya good 'yun for me kasi nakakadagdag sa motivation ko,” dagdag ng 30-anyos na multi-titled middle-hitter.
Lubos naman ang katuwaang nadarama ni Marano sa pagpili ni Pablo na maging parte ng Cargo Movers na nabiting makapasok sa Final Four noong nagdaang Reinforced season ng tumapos sa fifth place, habang pumang-anim naman noong Open Conference.