ni Gerard Arce @Sports | March 8, 2023
Mga laro bukas (Huwebes)
(Philsports Arena)
4:00 n.h. – Petro Gazz Angels vs Akari Chargers
6:30 n.g. – Choco Mucho Flying Titans vs Chery Tiggo Crossovers
Dagdag motibasyon para kay Celine Domingo ng Creamline Cool Smashers ang makatapat ang mga nagtatangkarang manlalaro ng PLDT High Speed Hitters upang tulungang maitakas ang 25-20, 25-21, 25-17 straight set panalo kahapon, upang mas lalong patatagin ang pagkakahawak sa liderato sa nalalapit na pagtatapos ng eliminasyon ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kumarga ang dating Far Eastern University Lady Tamaraws middle blocker ng 17 puntos mula sa 15-of-18 atake at dalawang blocks kontra kina Mika Reyes at Dell Palomata na may pinagsamang 18 puntos lamang para makuha ng Cool Smashers ang 6-1 kartada, habang ibinaba sa 4-2 ang High Speed Hitters para sa three-way tie katabla ang Petro Gazz Angels at F2 Logistics Cargo Movers.
“I think ginawa lang namin yung game at role namin para makuha namin yung straight sets,” pahayag ng 23-anyos na Finals MVP ng Invitational Conference matapos ang laro. “Of course, it’s such a big challenge, I just try to communicate ang connect with ate Jia [Morado-De Guzman] para magawa ko yung trabaho ko,” dagdag ng 5-foot-10 middle blocker.
Nanguna naman sa atake para sa Cool Smashers si back-to-back conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos sa game-high 18pts mula sa 15 atake, dalawang aces at isang block, kasama ang 14 excellent receptions at pitong digs, habang nagdagdag pa si Jema Galanza ng 11pts, 11 reception at pitong digs. Nag-ambag rin sina Michelle Gumabao ng pito at Jeanette Panag ng anim puntos, habang mayroong 20 excellent sets si Morado-De Guzman.