ni Gerard Arce @Sports | June 7, 2023
Magbibigay ng matinding opensiba para sa Choco Mucho Flying Titans sa pagpasok ni two-time Southeast Asian Games medalists at season 81 University Athletic Association of the Philippines (UAAP) MVP Chery Ann “Sisi” Rondina matapos ipakilala ng koponan sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference simula Hunyo 29.
Pormal ng inanunsiyo ng Choco Mucho ang pagtapik sa high-flyer spiker bilang preparasyon sa bagong komperensiya na magbibigay ng karagdagang arsenal kasama ang beteranong line-up upang mabuo rin ang Triple-Threat nila nina Katrina Mae Tolentino at Desiree Cheng.
Ilang taon ding nagsilbi sa Beach Volleyball national team ang 26-anyos na tubong Cebu City matapos magningning ng husto sa collegiate league sa buhanginan ng ibulsa ang apat na MVP awards para sa University of Santo Tomas at isang indoor MVP upang madala sa Finals ang koponan na tumapos ng runner-up finish sa likod ng Ateneo Blue Eagles.
“THE CHERRY BOMB! The Choco Mucho Flying Titans welcome Cherry Ann “Sisi” Rondina to the team! An unstoppable force on the sand and now on the court! Former captain of the UST Golden Tigresses volleyball team, a natural born champion, a bronze medalist at the 2019 SEA Games, and an invaluable member of our national women’s beach volleyball team. Let’s all welcome, Sisi Rondina! Show your love and support for Sisi!,” ayon sa inilabas na post sa kanilang Instagram post.
Bukod kay Rondina, nakabalik na rin sa indoor volleyball tourney sina Bernadeth Pons sa Creamline Cool Smashers at Jovelyn Gonzaga sa pagbabalik sa Cignal HD Spikers matapos payagan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) upang iwanan pansamantala ang beach volleyball.