ni Anthony E. Servinio @Sports | August 13, 2024
Nakamit ng Alas Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na medalyang tanso sa pagtatapos ng pangalawang yugto ng 2024 SEA Women’s V.League Linggo ng gabi sa Korat Chartchai Hall ng Nakhon Ratchasima, Thailand. Binigo muli ng Pinay Spikers ang Indonesia sa limang set – 20-25, 25-20, 16-25, 25-20 at 15-10.
Nanatiling perpekto ang host Thailand at giniba ang Vietnam – 25-22, 25-17, 19-25 at 25-15 – para sa kanilang ika-pitong kampeonato sa pitong torneo mula pa noong 2019. Umulit bilang Most Valuable Player at isa sa Best Outside Spiker si Chatchu-on Moksri at kinilala rin ang kanyang mga kakamping sina Best Setter Pornpun Guedpard at isang Best Middle Blocker Thatdao Nuekjang.
Nag-uwi ng konsuwelo ang Alas sa pagpili kay Alyssa Solomon bilang Best Opposite Spiker. Ang iba pang pinarangalan ay sina Best Outside Spiker Vi Thi Nhur Quynh at Best Libero Nguyan Khanh Dang ng Vietnam at Best Middle Blocker Wilda Nurfadhilah ng Indonesia.
Binuksan ng Alas ang kampanya sa talo kontra Thailand – 18-25, 23-25 at 16-25. Sinundan ito ng pagkabigo sa Vietnam – 16-25, 20-25 at 22-25 – kaya naging napakahalaga na magwagi sa kapwa walang panalong Indonesia. Bunga ng mga resulta, nakatitiyak ang Alas na maglalaro muli sa V.League 2025. Bababa ang Indonesia sa bagong V.League Challenge at papalitan sila ng magiging kampeon sa pagitan ng Malaysia, Myanmar, Cambodia at Singapore.
Samantala, hinihintay pa ang petsa ng torneo ng kalalakihan ngayong taon. Nakatakdang magsilbing punong-abala ang Indonesia sa una at Pilipinas sa pangalawang yugto.