ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 23, 2025
Photo: Premier Volleyball League (PVL)
Mga laro ngayong Huwebes
(Philsports Arena)
4 n.h. – Akari vs NXLed
6:30 n.g. – Choco Mucho vs PLDT
Asahan na ang matinding paluan at hampasan sa pagitan ng 4 na koponan na magtatagisan ngayong Huwebes ng hapon upang makuha ang kani-kanilang panalo sa pagpapatuloy ng aksyon sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tatangkain ng Akari Chargers na hindi pahabain ang losing skid laban sa sister-team na NXLed Chameleons na susundan ng birahan ng 2-time finalists na Choco Mucho Flying Titans at kokonektang PLDT High Speed Hitters.
Nais ng Akari na makabawi sa pangwawalis na naranasan kontra PLDT sa 22-25, 16-25, 15-25 noong Sabado, tanging si Faith Nisperos ang tumapos ng doble pigura sa 11 puntos habang may ambag sina Ivy Lacsina, Erika Raagas at Princess Madrigal ng 6,5,4 puntos.
Bumagsak sa 3-4 rekord ang Chargers na inaabangan ang pagbabalik sa laro nina Gretchel Soltones at Ced Domingo. Nablangko ang Chameleons na galing sa pambobokya ng Farm Fresh Foxies noong Sabado na nasayang ang doble pigura ni Jaila Atienza sa 11 pts, mas matatag ang opensa ng koponan kina EJ Laure, gayundin ang tulong nina Lycha Ebon, Kirch Macaslang at Chiara Permentilla.
Hindi man makakasama ng Choco Mucho sa koponan si Kat Tolentino na naoperahan sa appendix, sasandalan sina Cherry Ann “Sisi” Rondina, Dindin Manabat, Isa Molde, ace playmaker Deanna Wong, floor defender Thang Ponce at rookie middle blocker Lorraine Pecan na natakasan ang batang Zus Coffee Thunderbelles sa reverse sweep sa bisa ng 20-25, 20-25, 25-22, 25-19, 15-9 sa huling laro nito.
Patuloy naman babanat para sa High Speed Hitters si Fil-Canadian Savi Davison katulong sina Majoy Baron, Erika Santos, Dell Palomata, Fiola Ceballos, playmaker Angelica Alcantara, ace libero Kath Arado at beteranong si Mika Reyes.