ni V. Reyes | May 9, 2023
Tumaas pa ang panganib na sumabog ang Bulkang Mayon kaya’t inilagay na ito ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3.
Batay sa bulletin ng PHIVOLCS, tumindi pa ang mga aktibidad ng Bulkang Mayon makaraang itaas ang Alert Level 2 noong Lunes.
Ang Alert Level 3 ng Mayon Volcano ay nangangahulugan na nagpapakita ng senyales ng magmatic eruption, mataas na posibilidad ng pagdaloy ng lava at pyroclastic density currents na nakaaapekto sa itaas at gitnang bahagi ng dalisdis ng bulkan, at ang posibleng pagsabog sa mga susunod na araw o linggo.
Kasabay nito, inirerekomenda na rin ng PHIVOLCS ang paglilikas sa mga residenteng nasasakop ng six-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at pag-iingat o pananatiling alerto sa posibleng pagdaloy ng lahar at mga mapanganib na pagsabog.
Maaari rin umanong magkaroon ng ashfall sa katimugang bahagi ng Mayon, batay sa ihip ng hangin.
Pinagbabawalan muna ang mga piloto ng eroplano na dumaan malapit sa bunganga at paligid ng Bulkang Mayon bunsod ng panganib ng pagbuga ng abo at pagsabog.
Una nang naobserbahan ng PHIVOLCS kahapon ang tatlong pyroclastic density currents events sa mga kanal ng Bonga at Basud na tumagal ng apat hanggang limang minute.