ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 28, 2023
Nakapagtala ang Mayon Volcano Network ng mas mataas na seismic activities mula 99 pataas sa 111 volcanic earthquakes, kung saan 109 sa mga ito ang volcanic tremors na tumatagal sa isa hanggang 27 minuto.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mayroong isang insidente ng pyroclastic density current (PDC) at 122 rockfall na naobserbahan.
Patuloy naman ang pag-agos ng lava sa may habang humigit-kumulang na 3.4 kilometro sa Bonga, 2.8 kilometro sa Mi-isi, at 1.1 kilometro sa Basud Gullies.
Samantala, noong Oktubre 26, nagkaroon ng average na 1,030 toneladang volcanic sulfur dioxide (SO2) emission.
Nagbabala rin ang Phivolcs sa publiko ng posibleng hazardous eruption sa mga darating na araw o linggo, sapagkat patuloy na itinuturing na nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang "in a relatively high level of unrest" ito.
Pinapayuhan ang publiko na iwasan ang pagpunta sa loob ng 6-km radius Permanent Danger Zone (PDZ) at manatiling maingat sa mga panganib mula sa mga PDCs, lava flows, rockfalls, lahar, sediment-laden stream flow, at iba pang volcanic hazards.