ni Mylene Alfonso @News | September 6, 2023
Bagama't nakita sa viral video na nagkasa ng baril, hindi inaresto ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang dating pulis na si Wilfredo Gonzales dahil hindi umano nila nakita ang baril na ginamit nito sa panunutok sa siklistang si Allan Bandiola noong Agosto 8.
Ito ang lumitaw sa isinagawang pagdinig kahapon ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
"Sabi ni Sir Adan, 'Hindi namin pwedeng arestuhin si Ginoong Gonzales, wala naman kaming nakitang baril' Ganito na lang, sabi niya, tatawag tayo sa traffic sector para maayos 'to at magawan ng incident report," salaysay ni Bandiola sa komite.
Ayon pa kay Dela Rosa, dapat iginiit ni Bandiola sa mga pulis na may baril si Gonzalez.
"Dapat sinumbong mo, may baril 'yan, kinasahan ako," dagdag pa ng senador na dating hepe ng PNP.
Iginiit naman umano ni Bandiola sa mga pulis na may baril si Gonzales pero sinabi ng mga pulis na rumesponde sa insidente na hindi nila ito maaaring arestuhin.
Wala naman sa naturang pagdinig ang mga sinasabing pulis ni Bandiola.
Inamin naman ni Gonzales na isinuko ang kanyang baril sa Galas Police Station matapos siyang sabihan ng mga imbestigador.
Samantala, inihayag naman ni Police Firearms and Explosives Office chief Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas na agad naman binawi ang License To Own and Possess Firearms (LTOPF) ni Gonzales matapos mag-viral sa social media ang video ng kanyang pananakit at pagkasa ng baril kay Bandiola.
Matatandaang Agosto 8 nang mangyari ang iringan sa kalye nina Gonzales at Bandiola ngunit noong Agosto 27 lamang lumabas ang viral video na nakitang naglabas ng baril si Gonzales at ikinasa ito sa harap ni Bandiola.
Nagsampa na ng reklamong alarm and scandal ang Quezon City Police District laban kay Gonzales.
Natanggal na rin si Gonzales sa pagiging empleyado ng Korte Suprema.
Bukod dito, nais ng pamunuan ng PNP na isauli niya ang natanggap na retirement benefits matapos matuklasan na may mga kaso pa siyang kinakaharap nang umalis sa serbisyo.
0Plano rin ng PNP na sampahan pa ng ibang reklamo si Gonzales kabilang ang grave threat.