top of page
Search

ni Jeff Tumbado @News | July 21, 2023




Nasa mahigit 100 pribadong sasakyan ang pinaghuhuli ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga miyembro ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) dahil sa pagbaybay nang ilegal sa EDSA busway sa bahagi ng Malibay, Pasay kahapon.


Ikinasa ang operasyon dahil sa mga ipinaparating na hinaing ng mismong mga komyuter sa bagong tatag na DOTr Complaint Hotline tulad sa paglabag sa batas-trapiko o “Disregarding Traffic Sign” alinsunod sa Republic Act 4136.


Ilan lamang sa mga naiparating na reklamo ay ang pagdaan ng mga pribadong sasakyan sa EDSA busway lane na nakalaan lamang para sa mga pampublikong bus, emergency vehicle, at sasakyan ng gobyerno.


Mahigit 100 motorista ang nahuli sa nasabing operasyon at lahat ay pinagtitiketan sa paglabag sa batas-trapiko.


Pinaalalahanang muli ng LTFRB ang mga motorista na dumaan lamang sa tamang kalsada partikular sa kahabaan ng EDSA upang iwas-abala at aksidente.


 
 

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Pinakakasuhan na ang tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Chua, matapos makitaan ng probable cause ang kaso nito sa Makati City Prosecution Office, kaugnay ng naging paglabag sa mandatory quarantine protocols noong Disyembre, 2021.


Matatandaang, naging headline ng mga balita si Chua nitong nagdaang taon, matapos lumabas sa kanyang isolation hotel sa Makati City upang makipagkita at maki-party sa mga kaibigan nito sa Poblacion, Makati at kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.


Kabilang din sa kaso ang security guard ng Berjaya Hotel na si Esteban Gatbonton.


Sa Berjaya Hotel nanatili si Chua nang mangagaling ito sa US at pinaniniwalaang sa tulong umano ng nabanggit na sekyu ay nakalabas ng kanyang unit si ‘Poblacion Girl’.


Ayon sa prosecution office, hindi naman umano nakitaan ng probable cause para kasuhan ang ilang mga empleyado ng naturang hotel.


Gayundin, wala umanong makitang mga ebidensiya ang prosecutor na makapagpapatunay na pinayagan ng mga hotel staff na makalabas si Chua nang araw na tumakas ito mula sa pagkaka-isolate.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021



Umabot sa 1,848 ang nahuli sa paglabag sa ipinatutupad na curfew hours sa Metro Manila sa pagsasailalim sa rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar noong Sabado.


Ani Eleazar sa isang panayam, "Base sa ulat na na-receive natin, there was a total of 1,848 accosted na violator.


"Six hundred five ang binigyan ng warning. At para magmulta, mayroong 1,235. At merong walo pa na for community service.”


Hanggang sa Agosto 20 epektibo ang ECQ sa Metro Manila at ang curfew hours ay tuwing 8 PM hanggang 4 AM.


Saad pa ni Eleazar, "Malaking bagay ang curfew para malimitahan ang paglabas ng mga tao."


Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga authorized persons outside residence (APOR) na bibili ng essential goods na lumabas ng bahay sa oras na hindi aabot sa curfew.


Aniya pa, "Consumer APOR, dapat i-avail lang during the period na walang curfew."


Ang mga driver naman ng pampublikong transportasyon na nahuling lumalabag sa ipinatutupad na mga health protocols kabilang na ang “one seat apart” rule ay binigyan din ng mga ticket habang ang mga hindi APOR ay pinauwi.


Ang mga hindi naman nakasuot ng face shields sa mga pampublikong transportasyon ay pinababa ng sasakyan.


Saad pa ni Eleazar, "Hindi muna prayoridad ang pagkuha ng temperatura ng mga dumadaan sa mga checkpoint dahil ina-assume na natin na kapag APOR ka at ikaw ay lumabas, dapat maayos ang iyong pakiramdam.


"Posibleng makabagal lamang sa daloy ng trapiko ang paglalagay ng thermal scanner sa mga quarantine control points.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page