ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | April 9, 2021
Naalarma na rin si Willie Revillame sa pagtaas ng COVID-19 cases kaya naman binabalak niyang sa ibang lugar na mag-shoot ng live airing ng Wowowin para naka-bubble sila ng staff.
Aniya ay nakipag-meeting na siya sa GMA-7 management para sa kanyang request.
“Baka ho, at nakikiusap ako, para ho mag-lockdown kami mismo, eh, baka ho by next week, doon muna kami sa ibang lugar. Kami po ay magba-bubble. Sa Puerto Galera po ako magso-show at maganda naman, kakamustahin natin ang ating mga kapatid na katutubo ru’n. Baka ho next week, ganu’n ang mangyari, 'pag na-approve kami,” ang pahayag ni Willie sa recent Wowowin episode.
Sa ngayon daw ay nagbawas na nga raw sila ng staff bilang pagsunod sa ECQ safety protocols at bilang pag-iingat na rin sa killer virus.
Aniya, pati ang mga dancers nila ngayon sa show ay tsugi muna.
“Nagbawas po kami ng mga staff, sumusunod kami sa requirement na 30% lang. So, ‘yung mga ganitong bagay. . .idi-discuss ko muna lahat. Wala muna kaming mga dancers, of course, naiintindihan naman nila ‘yun. Kailangan ho ay safety first,” ani Willie.
“Kasi 'pag ako ho ay nagkasakit, eh, lahat sila, magku-quarantine. At the same time, mawawala ho ‘yung programa.
“So, iniingatan po namin, especially ako, dahil siyempre, 'pag nagkasakit ho ako, eh, kasama ho silang lahat sa quarantine.
“So, maingat ho kami. Iilan na lang ho kami rito. Kokonti na lang ho kami,” dagdag niya.
Ini-require rin niya ang mga staff na laging magsuot ng face mask and face shield.
“Lahat ho kami rito, required kami, sumusunod kami sa ating pamahalaan na naka-face mask and face shield.
“Even sa pagkain namin talaga, malalayo na. Kakain nga ho ako, mag-isa lang. Dati, kasama ko ‘yung mga staff,” aniya pa.
Siniguro naman ni Kuya Wil na tuloy pa rin ang pagtulong ng programa sa ating mga kababayan kahit pa nasa ECQ tayo ngayon. In fact, mamamahagi raw sila ng worth P3 million pesos na bigas.