PINAGGAGAWA NI SHARON SA MOVIE.
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | August 30, 2021
'Kaaliw ang YouTube vlog ni Sen. Kiko Pangilinan kung saan ay pinapanood niya ang Revirginized na latest film ng misis na si Sharon Cuneta and while watching ay react siya nang react.
Aniya, napakarami raw kasing nagtatanong sa kanya kung napanood na niya ang movie kaya naman naisip niyang gumawa ng reaction video bilang suporta sa kanyang misis.
Habang nanonood, bukod sa mga reactions ay may mga kuwento pa si Sen. Kiko tungkol kay Sharon.
Nang dumating na ang eksena sa kontrobersiyal na beach party, napa-"surmaryosep" ang senador at sey pa, “Hoy, may mga bata, ah.”
Pagdating sa isa pang controversial scene na body shot ni Sharon with Marco Gumabao kung saan kinailangang dilaan ni Mega ang asin sa dibdib ng aktor, komento ng senador, “Pero sa totoong buhay, hindi umiinom si Sharon. Isang sip lang, ayaw na. Hindi nainom ng alcohol. Kakaiba talaga. Doon mo makikita na magaling na artista. Proud naman ako.”
Dagdag pa ni Sen. Kiko, masaya siya na successful ang movie at puring-puri niya ang asawa sa pagiging aktres.
“Well, talagang makikita natin ang husay ng kanyang pag-aartista after ng napakaraming pelikula. So I’m very proud and happy na maganda ang naging pagtanggap ng ating mga viewers kay Misis dahil very successful so far. Number one sa VIVA ang pelikulang ito. At marami ang paulit-ulit daw na nanonood,” he said.
“In the end, dahil inirerespeto ko ang kanyang pagiging actor, bilang artista, ako ay naniniwala na talagang mahusay si Misis. She loves her craft. She loves to perform and she loves her audience. Willing siyang humarap sa mga challenging roles bilang isang propesyunal. Nandiyan ang suporta sa kanyang trabaho, sa kanyang propesyon at I wish her success dahil ibang klase talaga ang kanyang pagiging artista,” pahayag pa ni Sen. Kiko.