ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 27, 2021
Napaka-inspiring ng 10th anniversary video nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na ipinost ng aktres sa kanyang YouTube vlog titled KathNiel: Isang Dekada.
Inumpisahan nila ang video noong bata pa sila na nagsisimula pa lang sa showbiz at sobrang nakakatuwa ang kanilang humble beginnings. Si Kathryn, ang dami palang auditions na sinalihan noon para makuha lang sa commercial, na pumipila nang maghapon, tapos 30 seconds lang makukuhanan ng camera.
Si Daniel naman, he revealed na sobrang mahiyain siya noong bata at halos ayaw mag-artista. Kapag may look test or audition daw na may script na ime-memorize, nagkaka-anxiety na siya, nanginginig. Ang dami raw niyang tinakasang VTRs noon.
Nakaka-touch din ‘yung kuwento niya na sobrang hirap na hirap na raw sila noon sa buhay at hindi niya kayang makita ang inang si Karla Estrada struggling to make both ends meet.
Hanggang sa dumating ang kuwento nila sa time na nanliligaw na si Daniel kay Kathryn. Last part na raw ng Growing Up na first show nila together nanligaw si DJ hanggang sa Princess and I na first full-length teleserye nila.
Pag-amin ni Kathryn, one year nanligaw si DJ sa kanya at nang nagsisimula na raw ang Princess and I ay sila na. Dumaan daw ang boyfriend sa tamang proseso na nagpupunta pa sa bahay nila at hinaharap ang kanyang inang si Mommy Min Bernardo.
Sobrang nakaka-touch din ang kuwento ni Kathryn kung paano nahirapan si DJ nang gawin niya ang pelikulang Hello, Love, Goodbye with Alden Richards. Hindi napigilang maging emosyonal ng aktres habang ikinukuwento ito.
“If not for DJ, hindi ko magagawa ang Hello, Love, Goodbye kung hindi siya pumayag and if he didn’t allow me to fly on my own. And you needed that support, you needed that someone to push you para sabihin na ‘Kaya mo ‘yan,’ parang tsini-cheer ka,” sey ni Kath na nagsisimula nang umiyak.
Emosyonal pa niyang patuloy, “Sobrang nahirapan si DJ nu’n, sure ako, na sobra. ‘Pag nakikita ko siya, alam ko, iba siya nu’n, ‘yung mata niya, grabe, sobrang lungkot niya. Pero hindi siya naging selfish and he allowed me to grow on my own because he knew that I needed that.”
Maging siya ay nahirapan din daw talaga dahil sobrang nasanay din siya na si DJ ang kasama niya, pero nakaya raw nilang pareho ang hirap kaya pagkatapos naman daw nu’n ay lalo silang naging matibay.
“After that, grabe, naging solid naman kami talaga pagkatapos nu’n up until now. So I’m really grateful na dumating ang Hello, Love, Goodbye sa amin because it changed us and how we are as boyfriend-girlfriend,” sey ni Kath.