ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Oct. 13, 2024
Photo: Sugar Mercado at Willie Revillame - Instagram
Kinumpirma ni Sugar Mercado na loveless siya ngayon at wala raw muna siyang panahon sa pag-ibig.
Ito ay sa gitna nga ng mga bali-balita tungkol sa diumano’y pagkakaroon nila ng relasyon ni Willie Revillame.
“Wala talaga. Parang ‘yung oras ko, bigay ko na lang sa importante like una, sa anak ko,” sey ni Sugar sa contract signing niya bilang endorser ng Melona Beauty Drink na ginanap last Friday sa Dusit Thani Hotel.
“Napakarami kong tinutulungan para maisingit ko s’ya sa bahagi ng buhay ko. If ever, in time, kung parang gusto ko ng pahinga, kung ibibigay ni Lord, okey ako. Pero kung wala, okey ako. Okey ako ng wala, okey ako ng meron. Pero ngayon, choice kong anak ko lang,” sey ng dating Sexbomb dancer.
Tungkol sa tsika na may relasyon sila ni Willie, aniya ay hindi nga raw niya alam kung saan nanggaling kaya huwag na raw palakihin pa.
“Basta okey po kami, ‘wag na lang palakihin, basta we’re okay ni Kuya Wil,” sey ng dating Wowowin co-host.
Nang matanong namin kung willing ba siyang makatrabaho ulit si Kuya Wil, aniya sa ngayon ay hindi na raw niya kayang magampanan pa ulit na maging co-host nito.
“Kasi si Kuya Wil, napaka-perfectionist sa trabaho. Saludo ako sa kanya du’n at lahat ng issue sa kanya about that, alam ng mga nagtatrabaho sa kanya. Kaya siya yumaman nang ganu’n because ganu’n s’ya magtrabaho.
“Wala sa kanya ‘yung kahit na ano ka pa n’ya, kamag-anak ka n’ya o anak ka n’ya. Gusto n’ya, pulido ‘yung trabaho.
“And hindi ko na kayang ibigay ‘yun kasi may anak na ‘ko. Kailangan ko ring mag-focus na talaga sa business ko.
“Kasi ‘yun ‘yung kailangan ng mga anak ko. Basta ako, kung ano ‘yung ikabubuti ng anak ko, du’n ako,” sey ni Sugar.
Samantala, masayang-masaya ang celebrity mom na may bago siyang endorsement. Aniya, bago raw siya nag-yes sa Melona product ay ginamit muna niya ito nang ilang buwan para makita niya kung talagang effective nga ito.
At nakita naman daw niya na talagang maganda ang naidulot nito sa kanyang beauty at katawan. Ang comment nga raw sa kanya ng lahat ay parang hindi siya tumatanda, kaya naman proud endorser daw talaga siya ng nasabing produkto ng Horizons Health and Beauty Products Corporation.
Kasabay din ni Sugar na pumirma ng kontrata bilang endorser ang Viva artist na si Kyle Villanueva.
Present din sa contract signing ang mga executives ng Horizons na sina Doc RJ Evangelista and Sir Charles Arriza.
INAMIN ni Jameson Blake na may butt exposure siya sa pelikulang Guilty Pleasure (GP) ng Regal Entertainment at C’est Lovi Productions.
Ayon sa aktor ay hindi naman ito bago sa kanya dahil nagawa na rin naman niyang magpakita ng butt in the past pero magkakaiba naman daw ng reasons.
“I must say this time, it has more of a living connection. ‘Yung mga ginawa ko dati, it was like a dare or psychopath ‘yung role ko du’n,” sey ni Jameson sa ginanap na mediacon kamakailan.
“So, I took it as a challenge na medyo nabigla lang ako,” dagdag pa niya sabay-tawa.
Sinegundahan naman ni Direk Connie Macatuno na totoong nabigla si Jameson nang sabihin niyang magpapakita ang aktor ng puwet.
“Totoo, nabigla s’ya kasi parang now na, tapos sabi n’ya, ‘Now na?’” kuwento ni Direk Connie.
Dagdag naman ni Jameson, first day of shooting daw kasi nang ipagawa ni Direk Connie ang eksena.
“And ‘yun, I didn’t feel any pressure kasi nagawa ko na naman dati,” sambit ng aktor.
Ayon naman sa leading lady ni Jameson na si Lovi Poe at isa rin sa producers ng film, nakita rin daw niya na medyo nagulat nga ang aktor upon learning na may butt exposure kaya sinabihan niya raw ito na puwede namang hindi nito gawin, kung hindi ito komportable.
“Sabi ko sa kanya, ‘Jameson, if you’re not comfortable, you don’t have to.’ May ganu’n pa ‘ko, nag-line pa ko ng ganu’n. Sabi niya, ‘No, sige, I’ve done it before.’ Sabi ko, ‘Ah, okay,’” kuwento ni Lovi.
Bukod sa butt exposure ay may matindi ring love scenes sina Jameson and Lovi sa GP na showing na sa mga sinehan ngayong October 16. Kasama rin sa movie si JM de Guzman bilang isa rin sa leading men, Angelica Lao, Dustin Yu at marami pang iba.