ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Feb. 21, 2025
Photo: Baron at Yayo - Baron Geisler IG - Lutong Bahay
“Oo naman!” ang mabilis na sagot ni Yayo Aguila nang tanungin siya kung napatawad na ba niya si Baron Geisler.
Nag-guest si Yayo sa latest episode ng cooking talk show na Lutong Bahay (LB) at ito ang isa sa mga itinanong sa kanya ng mga hosts.
Matatandaang kinasuhan ni Yayo ng acts of lasciviousness si Baron noong 2013 matapos umanong bastusin ng aktor ang anak nila ni William Martinez na si Patrizha Maree Martinez sa isang bar.
Nahatulang guilty si Baron ng Makati Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 61 at pinagbayad ng P30,000 damages.
Ayon kay Yayo ay nagkita na sila ni Baron at humingi raw ito ng tawad sa kanya.
“Nagkita na kami years ago sa isang event ng showbiz. Wala akong choice, nagkasalubong kami, tapos, binati n’ya ako. Nag-sorry naman s’ya, nag-sorry siya. So, sa ‘kin, malaking bagay ‘yung it takes guts para makapag-sorry ka. Feeling ko naman, sincere s’ya, ayoko siyang i-judge,” kuwento ni Yayo.
“Sinabi ko ‘yun sa daughter ko. Actually, ‘yung anak ko, sabi n’ya, ‘Ma, napatawad ko naman s’ya, eh, pero ‘di ko makakalimutan ‘yung ginawa niya.' Ganu’n din ‘yung stand ko,” dagdag niya.
Ayon kay Yayo, bagama’t napatawad na niya si Baron ay ayaw pa rin niya itong makatrabaho or kung hindi talaga maiwasang magkatrabaho sila ay hindi na lang daw niya ito kakausapin.
“Napatawad naman na namin s’ya pero ayoko s’yang makatrabaho, ‘yung ganu’n. Pero if given the chance, kunwari may magandang project, kasama ko s’ya, puwede ko naman siyang hindi kausapin sa set. Work is work,” aniya.
“So, you don't have to be friends with him kasi sa work, ‘di naman kailangan, lahat friends mo. Kung work, work lang,” dagdag niya.
“Kung si Lord nga, nagpapatawad, tayo pa kayang tao? Basta at least kami, nabawasan naman kami ng bigat sa dibdib forever,” pahayag pa ng aktres.
AMINADO si senatorial candidate Benhur Abalos na hindi madaling maging artista.
Paminsan-minsan kasi ay hindi rin siya makatanggi kapag naiimbitahan na mag-guest sa mga TV shows kaya kahit paano ay naranasan din niyang maging artista.
Napanood ang dating mayor ng Mandaluyong sa mga cameo roles niya sa GMA teleseryes na Black Rider (BR), Lilet Matias: Attorney-At-Law (LMATL) at Mga Batang Riles (MBR).
Ayon kay Benhur nang makausap namin kamakailan sa presscon ng mga senatoriables ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, noong nag-aaral siya ay sumali-sali siya sa mga plays sa school kaya hindi bago sa kanya ang pag-arte.
Okey naman daw ang naging experience niya sa showbiz at hindi siya nahihirapan dahil kadalasan ay ‘as himself’ naman daw ang kanyang role tulad sa MBR kung saan ay gumanap siyang DILG secretary na dati niyang posisyon.
Naging challenge lang daw sa kanya nang makaeksena niya si Katrina Halili dahil napakagaling daw nitong aktres.
“Maya-maya umiiyak na (si Katrina). Sabi ko, ‘Hindi ako puwedeng magkamali rito,’” natatawang sabi ni Benhur.
Mahirap daw pala ang maging artista lalo na ang mga paghihintay sa set.
“So, kung minsan, magsisimula ka nang maaga, matatapos ka, madaling-araw na. ‘Buti na lang, may Eddie Garcia Law. Malaking bagay ang Eddie Garcia Law,” aniya.
Pero nasasanay na rin naman daw siya dahil nga mga bigating artista ang kanyang mga nakakasama.
When asked kung itutuloy pa ba niya ang kanyang showbiz career sakaling manalo siyang senador sa darating na eleksiyon, natawa ang pulitiko.
“Tingnan natin kung papaano, dahil unang-una, kailangan ko muna talagang manalo, eh,” sambit niya.
Ang unang-una raw niyang gagawin kapag nanalo ay reresolbahan ang problema ng film piracy sa movie industry dahil kawawa naman ang mga producers na gumagastos nang malaki pero hindi pa man naipapalabas ang movie ay napirata na.
“It should be addressed. If you want the film industry to progress, importante ‘yan. You give incentives and at the same time, hulihin mo ‘yung mga dapat hulihin. ‘Yan ang priority ko talaga,” pahayag ng kumakandidatong senador ngayong 2025 elections.