ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 13, 2021
Isasama na ang mga media workers sa ipaprayoridad ng pamahalaan na mabakunahan laban sa COVID-19, ayon kay Testing Czar Secretary Vince Dizon ngayong Martes.
Pahayag ni Dizon, “Nakausap ko si National Economic and Development Authority (NEDA) [Acting] Secretary Karl Chua kahapon at ire-revise nila ang listahan na kasama na ang media sa A4.
“Ang media ay frontliners kaya dapat makasama sa A4.”
Noong Lunes, inilabas ng pamahalaan ang listahan ng mga manggagawang isasama sa 4th priority group ng vaccination program na sumunod sa mga healthcare workers, senior citizens at mga may comorbidities.
Samantala, si Senator Joel Villanueva ang nagsulong na isama ang mga media workers sa listahan ng prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan laban sa COVID-19 dahil sila umano ang nagsisilbing "information frontliners" ngayong panahon ng pandemya.
Sa naganap namang press briefing, pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., “Hintayin natin ang susunod na IATF meeting, ako na po ang maglalabas [ng listahan] pati po ang klasipikasyon ng mga mamamahayag.”