ni Lolet Abania | November 18, 2021
Mariing itinanggi ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon ng National Task Force Against COVID-19 ngayong Huwebes ang pagiging bahagi niya sa anumang pulitikal na kampanya.
Nag-isyu ng statement si Dizon matapos ang political strategist na si Lito Banayo ay unang ini-report at sinabing ang testing czar ay kasama na sa grupo ni Manila Mayor Isko Moreno na tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections.
Una nang nilinaw ni Banayo, ang campaign manager ni Moreno, na si Dizon aniya, “will join the team eventually.”
Subalit, itinanggi ito ni Dizon. “I confirm the statement of Cabinet Secretary and acting presidential spokesperson Karlo Nograles that I am not involved in any political campaign,” sabi ni Dizon.
“My focus is on the national government’s overall COVID-19 response and recovery, including the country’s vaccination program,” dagdag pa ng NTF official.
Gayunman, hindi binanggit ni Dizon kung kalaunan ay sasapi rin siya sa campaign team ni Moreno tulad ng pahayag ni Banayo.
Bago pa nilinaw ni Banayo ang kanyang statement, itinanggi na ni Nograles ang mga komento ni Banayo na si Dizon ay kasapi na sa campaign team ni Moreno.
Si Dizon, na nagsisilbi rin bilang “testing czar” ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic, ay nag-resign bilang presidente at chief executive officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) noong Oktubre.