top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 09, 2021




Nakahanda nang magpaturok kontra-COVID-19 si Vice-President Leni Robredo gamit ang bakunang may emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA), batay sa naging pahayag niya sa kanyang weekly radio program.


Aniya, “'Pag hindi natin tangkilikin ‘yung may EUA, parang walang saysay tuloy ang FDA. Kaya tayo may regulatory agencies kasi sila ang experts. Sila ang may capacity na mag-assess, may obligasyon na siguruhin ang makakapasok sa bansa ay dumaan sa rigorous na assessment."


Matatandaan namang nagpabakuna kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang Sinopharm ng China, kahit na hindi pa iyon nagagawaran ng EUA.


Pagpaparinig pa ni VP Robredo, "Kung public official ako, nagpaturok ako, tapos ipinahayag ko in public, in a way ipino-promote mo ‘yung klase ng bakunang itinurok sa 'yo. Tapos, kung ang ipino-promote mo, walang EUA, mahirap ‘yun kasi parang mockery ‘yun ng existing regulatory agencies natin."


Sa ngayon, ang mga bakunang may EUA pa lamang ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sputnik V, Sinovac, Johnson & Johnson, Bharat Biotech at Moderna.


Nilinaw pa ni VP Robredo na hinihintay na lamang niya ang kanyang ‘turn’ upang mabakunahan sa hanay ng mga may comorbidity.


"Alam ko naman na puwede na akong magpabakuna. Pero gusto ko lang siguruhin na wala akong maagawan na iba na dapat mas nauna sa 'kin," dagdag niya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 17, 2021



Kinumpirma ni Vice-President Leni Robredo na sasailalim siya sa 14-day quarantine matapos magpositibo sa COVID-19 ang kanyang security personnel at kabilang siya sa naging close contact nito.


Batay sa kanyang Facebook post, “I was all set to go. But just a few minutes ago, I received a contact tracing call informing me that my close-in security has tested positive for COVID-19.”


Paliwanag pa niya, “I was with him in the car, in the elevator, and in the office almost everyday this week. We have regular surveillance antigen testing in the office and we do follow very strict health protocols but because I was a very close contact, I need to do the required quarantine and do an RT-PCR test after my quarantine.”


Matatandaang nagpositibo rin sa virus noong July ang apat na staff ni VP Robredo na naging dahilan para i-suspend ang operasyon ng Office of the Vice-President sa loob nang ilang araw.


Sa ngayon ay 914,971 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa bansa, kung saan 193,476 ang aktibong kaso, habang 705,757 ang mga gumaling at 15,738 ang pumanaw.


Samantala, 10,726 naman ang nagpositibo batay sa huling tala ng Department of Health (DOH).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page