ni Twincle Esquierdo | December 6, 2020
Inilunsad na ng Pasig City government ang paggamit ng PasigPass QR code kapag pupunta o mamamalengke sa Pasig Mega Market.
Kailangan nilang ipakita ang kanilang QR code mula sa kanilang mobile phone at magsuot ng face mask at face shield bago makapasok sa nasabing lugar.
Sinimulang ilunsad ng Pasig local government unit ang PasigPass contact tracing apps noong Oktubre bilang isa sa mga hakbang upang mapigilan ang pagdami ng mga naaapektuhan ng Covid-19.
Bukod pa rito, mabilis na makapagsasagawa ng contact tracing ang Pasig Health Monitoring office kapag nalaman nilang may nagpositibo gamit ang apps na ito.
Maaari lamang mag-register sa apps na ito ang mga nasa edad 18-anyos pataas at nakapag-register na ang 699,938 na indibidwal at 1,754 establisimyento.
Una nang tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto na ang data na nakalap sa apps ay ligtas.
Samantala, pumirma ang mga LGUs ng Pasig at Valenzuela ng isang kasunduan na tatanggapin nila ang QR code ng bawat isa upang mabilis na makapagsagawa ng contact tracing.
"Maraming taga-Valenzuela ang nagtatrabaho sa Pasig lalo na sa Ortigas Center. Natuklasan ko rin na may mga companies sa Pasig na nagde-deliver sa factories ng Valenzuela para sa packaging needs nila. Simula Monday, tatanggapin na ang Valtrace QR code sa Pasig. At tatanggapin na ang Pasig Pass QR code sa Valenzuela. (No new scanners needed)...at least now 1 QR code na lang ang kailangan para sa 2 cities. Salamat Pasig at Mayor Vico Sotto," sabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.