ni Lolet Abania | June 29, 2021
Isang manggagawa mula sa pabrika sa Valenzuela City ang humingi ng tulong sa mayor ng siyudad matapos na matanggap ang kanyang suweldo na puro mga baryang sentimos ang ibinigay.
Sa nai-post sa Facebook kahapon, ayon sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela City, nakuha ng empleyado, na hindi na idinetalye pa ang pagkakilanlan, ang kanyang dalawang araw na suweldo na nagkakahalaga ng P1,056 na puro 5 at 10 centavo coins.
Agad namang nakipagpulong si Gatchalian sa nasabing worker at representative ng kumpanya na tinukoy ng pamahalaang lungsod bilang Next Green Factory.
Gayunman, ang may-ari ng kumpanya ay kasalukuyang out-of-town kaya itinakda na lamang sa ibang araw ang meeting dito.
“Mayor Rex reiterates that industry workers should be treated accordingly and not be demoralized,” pahayag ng pamahalaang lungsod.
Sa hiwalay na statement, ayon kay Gatchalian, nakatakda silang magharap ng may-ari ng kumpanya ngayong Miyerkules na aniya sa company representative, “Won’t cut it for me. I’ll see to it that we get to the bottom of this ‘cruel and unusual’ labor practice and deal with it accordingly,” post ni Gatchalian sa Facebook.
Samantala, ayon sa isang circular na inisyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2006, ang mga barya na may denominasyon na P1 hanggang P5 ay maaaring tanggapin bilang bayad sa halagang hindi hihigit sa P1,000.
Nakasaad din sa circular na ang mga 1 centavo, 5 centavos, 10 centavos at 25 centavos ay maaaring gamitin bilang bayad sa halagang hindi hihigit sa P100.