top of page
Search

ni Lolet Abania | May 20, 2021




Dahil sa pangamba ng publiko sa unang lumabas na pahayag na hindi na ipapaalam sa mga vaccination sites ang brand ng COVID-19 na ibabakuna upang maiwasan ang pagiging mapili ng mga tatanggap nito, nilinaw ng Department of Health na ipapaalam pa rin naman kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ituturok bago mismo ang pagbabakuna.


“'Pag sinabi naman na hindi natin ia-announce ‘yung brand, we are not going to announce the brand as of [that] day,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang interview ngayong Huwebes.


“Siyempre, bago ‘yan ibakuna sa inyo, sasabihin ano ‘yung ibibigay,” sabi naman ni Dr. Gloria Balboa, ang DOH regional director sa Metro Manila sa isa ring interview ngayong araw.


Ayon sa mga opisyal, ang bagong strategy na ito ay bahagi ng kanilang solusyon para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites. Anila, ito ang naging desisyon ng DOH makaraang dumugin ang mga vaccination sites sa Parañaque at Manila nito lamang linggo dahil nabatid ng mga tatanggap ng bakuna na Pfizer vaccines ang ituturok sa kanila.


Matapos ang naturang insidente, sinabi ng ahensiya na ang available na brand ng vaccines ay hindi na iaanunsiyo sa publiko bago pa ang pagbabakuna.


Paliwanag ng DOH, sakali naman na tumanggi sa vaccination dahil sa mas gusto nila ang ibang brand na iturok sa kanila, babalik sila sa dulo ng linya o pipila ulit sila sa hulihan ng pagbabakuna.


“All of these vaccines that are in the country are going to protect them,” diin ni Vergeire.


“Wala naman pong isang mas magaling o magiging mas epektibo para sa kanila.”


Sinabi pa ni Vergerie na nagsasagawa na rin ang DOH ng masidhing information campaign para mabigyang pansin ang isyu tungkol sa COVID-19 vaccines.


Matatandaang hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang DOH na irekonsidera ang kanilang polisiya na non-disclosure ng brand ng bakuna bago ang pagbibigay nito dahil lalong magdudulot ito ng pagdududa sa publiko sa vaccination program ng gobyerno.


Subalit sa isang statement, ayon sa DOH, “Not announcing what brand will be available in inoculation sites will not take away the right of individuals to be informed of the vaccine they are taking.”


“The vaccination process entails on-site vaccine education, proper recording using vaccination cards, and monitoring for Adverse Events Following Immunization,” dagdag pang pahayag ng ahensiya.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 17, 2021




Nananawagan si Commission on Election (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon sa bawat local government units (LGU) na pahintulutan ng mga mayor ang election assistants at election officers na magpabakuna kontra COVID-19, batay sa panayam sa kanya ngayong umaga, May 17.


Aniya, "Hinihiling po namin sa mga mayor, bakunahan na po ninyo ang mga election assistants and election officers namin para makapag-register na sa mga barangay. Kasi may namatay na ngang isang provincial supervisor namin sa Cavite dahil sa Covid."


Dagdag pa niya, “Frontliner naman din po kami… So again, I am appealing to the mayors. Please include our election officers and election assistants in the vaccination so that we can begin barangay registration right away in your municipalities and cities.”


Sa ngayon ay mahigit 6,500 personnel ng COMELEC ang inihihirit na mabakunahan kontra COVID-19 upang ligtas nilang mapangasiwaan ang voting registration ng 2022 national election.


“Ang target namin, maka-register kami ng mga 3.5 million, pero we have like, 5 million people to go. Eh, September 30 ang deadline. There’s no extension,” sabi pa niya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 09, 2021




Nakahanda nang magpaturok kontra-COVID-19 si Vice-President Leni Robredo gamit ang bakunang may emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA), batay sa naging pahayag niya sa kanyang weekly radio program.


Aniya, “'Pag hindi natin tangkilikin ‘yung may EUA, parang walang saysay tuloy ang FDA. Kaya tayo may regulatory agencies kasi sila ang experts. Sila ang may capacity na mag-assess, may obligasyon na siguruhin ang makakapasok sa bansa ay dumaan sa rigorous na assessment."


Matatandaan namang nagpabakuna kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang Sinopharm ng China, kahit na hindi pa iyon nagagawaran ng EUA.


Pagpaparinig pa ni VP Robredo, "Kung public official ako, nagpaturok ako, tapos ipinahayag ko in public, in a way ipino-promote mo ‘yung klase ng bakunang itinurok sa 'yo. Tapos, kung ang ipino-promote mo, walang EUA, mahirap ‘yun kasi parang mockery ‘yun ng existing regulatory agencies natin."


Sa ngayon, ang mga bakunang may EUA pa lamang ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sputnik V, Sinovac, Johnson & Johnson, Bharat Biotech at Moderna.


Nilinaw pa ni VP Robredo na hinihintay na lamang niya ang kanyang ‘turn’ upang mabakunahan sa hanay ng mga may comorbidity.


"Alam ko naman na puwede na akong magpabakuna. Pero gusto ko lang siguruhin na wala akong maagawan na iba na dapat mas nauna sa 'kin," dagdag niya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page