top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 1, 2021



Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko at sa mga local government units (LGUs) sa mga pekeng Pfizer COVID-19 vaccine.


Pinaalalahanan ni DILG Secretary Eduardo Año ang lahat ng LGU officials na maging mapanuri matapos maglabas ng babala ang World Health Organization (WHO) na posibleng kalat na sa merkado ang pekeng Pfizer COVID-19 vaccine.


Ayon kay Año, dapat alamin ng mga local executives ang pinagmulan o pinanggalingan ng suplay ng bibilhing bakuna laban sa COVID-19. Dapat din umano na ang lahat ng medical products lalo na ang mga COVID-19 vaccines ay bilhin lamang sa mga awtorisado at lisensiyadong suppliers.


Saad pa ni Año, “While there is no information yet on the presence of the fake vaccines in the country, LGUs should exercise increased diligence as these fake vaccines may be dangerous to the health of those who get inoculated.”


Kamakailan ay naglabas ng global medical alert ang WHO na ang pekeng COVID-19 vaccine ay may product name na “BNT162b2” na nagkukunwaring gawa ng Pfizer BioNTech.


Ayon din sa WHO, unang napag-alaman ang naturang pekeng bakuna sa Mexico.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 20, 2021




Labing-apat na milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 mula sa 4 na pharmaceutical companies ang inaasahang darating sa ‘Pinas sa ikalawang quarter ng taon, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. kagabi, Abril 19.


Batay sa ulat, tinatayang 1.5 million doses ng Sinovac ang maide-deliver sa bansa ngayong buwan, kabilang ang 500,000 doses na naunang dumating nitong April 11 at inaasahang masusundan pa iyon ng tig-kalahating milyong doses sa ika-22 at ika-29 ng Abril.


Inaasahang darating din ang mga bakuna ng AstraZeneca kapag natapos na ang vaccine-sharing scheme ng COVAX facility ngayong buwan.


Dagdag nito, darating na rin ngayong linggo ang paunang 20,000 doses ng Sputnik V mula sa Gamaleya Institute ng Russia at inaasahang masusundan ng 480,000 doses sa katapusan ng Abril.


Samantala, mahigit 195,000 doses ng Pfizer din ang inaasahang darating sa katapusan o sa unang linggo ng Mayo.


Pagsapit ng Mayo, magpapadala muli ang China ng karagdagang 2 million doses ng Sinovac, at susundan iyon ng 1 hanggang 2 million doses na bakuna galing sa Sputnik V. Magpapadala rin ang Moderna ng paunang 194,000 doses.


Sa Hunyo, mahigit 7 hanggang 8 million doses ang inaasahang darating sa bansa, kabilang ang 4.5 million doses ng Sinovac, 2 million doses ng Sputnik V at 1.3 million doses ng AstraZeneca.


Sa ngayon ay halos 1.4 milyong indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19 na pinangunahan ng mga healthcare workers, pulis, senior citizen, may comorbidities, mga mayor at governor na nasa high risk areas.


Matatandaang inilabas na rin ang listahan ng A4 Priority Group na inaasahang mababakunahan sa kalagitnaan ng Mayo o Hunyo. Patuloy din ang online pre-registration para sa mga nais magpabakuna.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 19, 2021



Maglalabas ang Department of Health (DOH) ng guidelines bago ituloy ang pagbabakuna ng AstraZeneca vaccines sa mga edad 60 pababa.


Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kaugnay ng rekomendasyon ng Food and Drug Administration (FDA), “Sinabi na itutuloy ulit natin because ‘yun ang sinabi ng mga eksperto - the benefits outweigh the risk.”


Aniya pa, “[On] the whole, bottomline nito ay tayo ay maglalabas ng isang guideline para sa paggamit ng AstraZeneca to include these different precautions na ibinigay ng FDA.”


Matatandaang noong April 8, ipinatigil ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca sa mga edad 60 pababa dahil sa naiulat sa ibang bansa na pagkakaroon ng pamumuo ng dugo o blood clotting at pagbaba ng platelet count sa mga naturukan nito.


Saad pa ni Vergeire, “Kailangan nating balikan din na napakaliit lang na porsiyento ng populasyon na naapektuhan ng mga ganitong klaseng adverse events for AstraZeneca.”


Nilinaw din ng DOH na wala pang naiuulat na naturang adverse events sa mga naturukan na ng AstraZeneca rito sa Pilipinas.


Noong Marso, nakatanggap ang bansa ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccine doses at una nang inanunsiyo ng awtoridad na ubos na ito at inaasahang darating ang mahigit 900,000 doses sa Mayo o Hunyo ngayong taon.


Umabot naman sa 1.4 million doses ng AstraZeneca at Sinovac COVID-19 vaccines ang naipamahagi na sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page