ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 10, 2021
Suportado ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagbabakuna sa mga menor de edad laban sa COVID-19 kung mayroon umanong sapat na suplay ang bansa.
Aniya, pinag-aaralan na ng Vaccine Expert Panel at All Experts Group ng DOH ang naturang hakbang sa pagbabakuna sa mga kabataan.
Ani Duque sa isang panayam, “Supply permitting, I wouldn’t mind that we should already start vaccinating children for as long as, first, we prioritize which among the children, those with comorbidities, of course let’s vaccinate them.”
Samantala, kamakailan ay sinabi ng vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr. na ang pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 ay posibleng masimulan na sa Setyembre o Oktubre, depende sa suplay ng bakuna.
Ayon naman sa Food and Drug Administration (FDA), kung isasama sa vaccination program ng pamahalaan ang mga menor de edad, madaragdagan ng 12 million hanggang 14 million ang mga kakailanganing mabakunahan kontra COVID-19.
Samantala, noong Lunes, ayon sa DOH, umabot na sa 13,087,781 ang mga nakatanggap na ng unang dose ng bakuna habang 11,391,969 naman ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.