ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021
Naniniwala ang Metro Manila Council (MMC) na hindi pa panahon upang ipatupad ang ‘vaccine pass’ o ang ‘no vaccine, no entry’ sa mga indoor establishments, batay sa panayam kay MMC Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez ngayong umaga, May 19.
Aniya, "Very unfair naman po ‘yan na bibigyan natin ng policy na ‘yun lang makakapasok sa indoors, sa ating mga restaurant, at iba pang mga establishment ay ‘yung mga nabigyan ng vaccination pass."
Dagdag niya, "Sa amin sa MMC, parang hindi pa ho tama ang panahon ngayon po para i-implement ‘yang policy na ‘yan."
Sumang-ayon naman sa kanya ang 17 Metro Manila Mayors na binubuo ng MMC.
Matatandaang hindi rin pabor ang Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) sa ganitong panukala dahil kaunti pa lamang ang bilang ng mga nababakunahan kontra COVID-19 sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. na magsisimula nang umarangkada ang mabilis na vaccination rollout sapagkat narito na ang mga bakuna, kung saan tina-target nila ang 500,000 bakunado kada araw.