ni Lolet Abania | August 5, 2021
Kinansela ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang oath taking sa Aksyon Demokratiko ngayong Huwebes nang hapon matapos ang nangyari sa vaccination site sa nasabing lungsod.
“Mayor Isko Moreno Domagoso decided to put off the Aksyon oath taking which was scheduled this afternoon,” ayon sa pahayag ng kampo ni Moreno. “The chaos in some NCR vaccine centers, especially in Manila this morning, requires utmost collective attention,” dagdag pang statement.
Dumagsa ang napakaraming tao sa COVID-19 vaccination centers sa National Capital Region ngayong Huwebes bago ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ). Agad namang ipinakansela ng mga awtoridad ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine sa isang mall sa Manila na hiniling na rin ng management nito dahil napuno ng mga taong nais na magpaturok matapos kumalat ang impormasyong “no vaccine, no cash aid”.
Gayunman, agad na niresolba ito ni Moreno habang pinaimbestigahan na ng Metro Manila Development Authority at ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang naturang insidente. Nakatakda sana ang oath taking ni Moreno kay Atty. Robbie Pierre Roco, anak ng party founder na si Senator Raul Roco.
Ang Aksyon Demokratiko ay ang partido rin ni Pasig City Mayor Vico Sotto. Sa isang liham nitong Agosto 4 na naka-address kay NUP secretary general Representative Narciso Bravo, naghain ng resignation si Moreno sa partido bilang vice-chairman for political affairs at miyembro na rin. "I am very thankful to the party for giving me the chance to serve it the best way possible," ani Moreno.