top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 3, 2021



Umabot na sa 284,553 indibidwal sa Pilipinas ang nakakumpleto ng COVID-19 vaccination ngayong Mayo, ayon sa Department of Health (DOH).


Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 270,785 sa mga nakakumpleto na ng bakuna ay mga health workers, 3,083 naman ang mga senior citizens at 10,685 ang mga may comorbidities.


Samantala, 1,650,318 katao naman ang nakatanggap ng first dose ng AstraZeneca o Sinovac COVID-19 vaccine kung saan 278,183 ang mga senior citizens, 275,924 ang mga may comorbidities, at 1,718 ang essential workers.


Saad pa ni Vergeire, “There were 1,094,493 frontline healthcare workers in the Philippines or 70.9% of the more than 1.5 million masterlisted [for] priority group A1 population had been vaccinated as of May 1.”


Nilinaw naman ng DOH na wala pang naiuulat sa bansa na pumanaw dahil sa COVID-19 vaccine.


Paalala naman ni Vergeire sa mga nabakunahan na, “We still advise our citizens who are vaccinated to comply still with the minimum public health protocols. Tandaan po natin, hindi po assurance na [kapag] kayo ay nabakunahan ay hindi na po kayo magkakasakit.”


Target ng pamahalaan na mabakunahan laban sa COVID-19 ang 70 million katao sa bansa ngayong taon.


 
 

ni Lolet Abania | April 26, 2021




Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Lunes ang pag-iikot ng tatlong mobile clinic na layong mabakunahan kontra-COVID-19 ang mga residente.


Ang mobile vaccination clinic ay inilunsad para sa mga residente ng lungsod na hindi marunong gumamit ng gadget at makapag-online booking ng pagbabakuna, mga senior citizens, at persons with disability (PWD).


Mayroong lifter ang isa sa mga bus upang mabuhat ang mga PWD na kanilang tuturukan ng vaccine. Isa sa mga nabakunahan kontra-COVID-19 ay street sweeper na nagsabing maayos ang pagbabakuna sa kanya at bumilib nang husto sa ganda ng mobile clinic.


Nagpabakuna rin ang isang stroke survivor na matagal nang gustong magpabakuna subalit hindi nito alam ang vaccination site.


Ginagawa ng lokal na pamahalaan ng QC ang lahat ng paraan upang maihatid ang COVID-19 vaccines sa mga residente at mabigyang proteksiyon laban sa nasabing sakit.


Ayon kay Mayor Joy Belmonte, kabilang din sa programa ng lungsod ang pagtatag ng vaccination sites sa mga community centers at elementary schools.


Maaari rin umanong magpunta sa mga malls at simbahan sa lungsod para maturukan kontra coronavirus.


Sinabi rin ni Belmonte na nagsasagawa sila ng house-to-house vaccination para naman sa mga bedridden na residente.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 12, 2021




Umapela si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga nagpapadala sa kanya ng larawan ng pagpapabakuna sa puwet sa isinagawang COVID-19 vaccination program sa lungsod.


Ayon kay Sotto, dalawang tao ang nagpadala sa kanya ng larawan kung saan makikitang binabakunahan sila sa puwet.

Aniya, “So, minsan may nagpapadala sa akin, parang nakadalawa na yata ano, picture nila, binabakunahan sila sa puwet. Ngayon, okay lang naman na mabakunahan sa puwet, normal ‘yan, medikal naman ang usapan, pero pakiusap, ‘wag n’yo na pong i-send sa akin.


"Ang dami ko na pong iniisip, ‘wag n’yo na pong idagdag 'yung puwet ninyo sa iniisip ko."


Ayon kay Sotto, ang ilang residente ng Pasig na may tattoo sa kanilang braso ay maaaring bakunahan sa puwet.


Aniya pa, “Nabanggit ko nga kanina, may mga nagse-send sa akin ng picture pero alam n’yo, nagpapasalamat ako roon, ‘no! (Pero) minsan kasi, 'pag may tattoo, bawal magpaturok sa braso, hindi puwede sa tattoo side ‘yung injection, eh.


"'Pag sa braso, okay lang, i-send n’yo sa ‘kin. Pero sa mga iba, kung sa puwet, ‘wag n’yo na pong i-send.”


Simula noong Marso, ipino-post ni Sotto sa kanyang social media account ang larawan ng mga medical frontliners at iba pang residente ng Pasig City na nabakunahan na.


Samantala, ayon sa Public Information Office, ngayong Lunes, may 3,455 kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pasig City.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page