top of page
Search

ni Lolet Abania | July 31, 2021



Sa inaasahang pagsasailalim ng National Capital Region sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Agosto 6 hanggang 20, inaprubahan ng Department of Health (DOH) ang mas ligtas na paraan ng pagbabakuna, ang house-to-house vaccinations.


Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas higit na makatutulong sa mga kababayan ang bahay-bahay na pagbabakuna para matiyak na mababakunahan ang mga komunidad kontra-COVID-19 habang magiging mas ligtas din ang mga indibidwal dahil sa may mga mag-iikot na lamang na mga health workers sa halip na pumila sila sa mga vaccination sites.


“Sa tingin namin, maganda ‘yan na strategy, kasi una sa lahat, hindi magkukumpul-kumpol ang mga tao. Ang iikot po, ang [mga magbabakuna] at hindi na kailangang pumunta ng mga tao sa ibang lugar para magpabakuna,” ani Vergeire sa press briefing ngayong Sabado nang umaga.


Maliban dito, magkakaroon pa rin ng pagbabakuna sa mga vaccination sites subalit bubuo ang ahensiya ng mas ligtas na pamamaraan gaya ng pagkakaroon ng scheduling upang maiwasan ang pagdami ng mga tao habang isasagawa ito sa mas malalaking sites para masunod ang physical distancing.


“Gagawa tayo ng safe vaccination sites kung saan sisiguraduhin natin na hindi tayo magkukumpulan kapag tayo ay magpapabakuna na. There will be scheduling, we will be using bigger vaccination sites. Mas madali po ang mobilization ng [babakunahan] and [magbabakuna] para makapagpabakuna tayo ng mas marami,” sabi ni Vergeire.


Una nang sinabi na ipapatupad ang ECQ sa NCR simula sa Agosto 6 hanggang 20 sa gitna ng panganib ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.


Gayunman, ayon sa Malacañang, magpapatuloy ang pagbabakuna sa mga lugar kahit na isinailalim sa ECQ.


 
 

ni Lolet Abania | July 30, 2021



Magpapatuloy ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan sa Metro Manila sa kabila ng isasailalim ito sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20.


“Yes, definitely [it will proceed]. Details will be provided in due course of the COVID-19 vaccination committee,” ani Roque.


Ang pagpapatupad ng ECQ ay inianunsiyo isang araw matapos makapagtala ang bansa ng tinatayang 97 kaso ng mas nakahahawang Delta variant.


Ayon kay Roque, nasa 18 milyon doses ng COVID-19 vaccine ang kanila nang na-administer. Sa bilang na ito, 7.8 milyon indibidwal na ang fully vaccinated.


“For the past three days, we already breached 600,000 level of jabs administered in a day,” dagdag ng kalihim.


Plano ng gobyerno na agarang mabakunahan ang 58 milyon indibidwal sa mga lugar na highly urbanized bago matapos ang taon bilang proteksiyon sa nasabing populasyon dahil ito sa limitadong supply ng bakuna laban sa sakit, subalit target pa rin ng pamahalaan ang mas maraming mabakunahan na nasa 70% hanggang 80% ng kabuuang 109 milyong populasyon ng bansa upang makamit ang herd immunity kontra-COVID-19.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 20, 2021



Umabot na sa 15,096,261 COVID-19 vaccine doses ang naiturok na sa bansa mula nang mag-umpisa ang vaccination program hanggang noong July 18, ayon sa Malacañang noong Lunes.


Sa naturang bilang, 10.3 million ang naibakuna na para sa unang dose at 4.7 million naman ang para sa second dose, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Samantala, lalo pang pinaiigting ng pamahalaan ang pagpapabilis ng vaccination rollout at nanawagan si Roque sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na laban sa COVID-19.


Aniya, "Kailangan natin ng dagdag- proteksiyon para sa ating sarili, sa ating pamilya, at komunidad. Maging bahagi ng solusyon.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page