top of page
Search

ni Mylene Alfonso | May 23, 2023




Kumbinsido si Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold "Poks" Pangan na ang pagbabalik ng mga restriksyon ang solusyon upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.


Ginawa ni Pangan ang pahayag sa isinagawang news forum ng Manila City Hall Reporters' Association (Machra) sa Harbor view makaraang ibunyag na nasa 2,070 na ang bilang ng namatay sa Maynila dahil sa COVID-19 kung saan 1,400 dito ang walang bakuna.


Dismayado si Pangan na dahil sa mababang bilang ng mga nagpapa-booster na siya ring itinuturong dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID sa lungsod.


"Dapat silang takutin," wika ni Pangan.


Giit ng opisyal na tinanggal na rin kasi ng pamahalaan ang requirement ng pagpapakita ng vaccination certificates bilang katibayan na bakunado ka bago ka papasukin sa malls, restaurants at iba pa kaya mataas ang pangangailangan ng pagpapabakuna.


Bunsod nito, nawalan na nang interes ang mga tao, dahil pinapayagan na ang lahat na makapasok sa establisimyento kahit pa hindi bakunado.


Binigyan-diin pa ni Pangan na bagama't hindi na ikinukonsidera ng World Health Organization (WHO) na global health emergency ang COVID-19 ay hindi ibig sabihin na tapos na ang pandemya.


Ayon sa kanya, nananatili ang COVID sa ating paligid, katunayan ang mga city-run hospitals sa Maynila ay may 183 COVID bed allocations dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ay mayroong 15.4 percent bed utilization.


Para kay Pangan, ang lifting ng COVID status bilang public health emergency ay nangangahulugan na hindi na magsu-supply ng bakuna ang WHO at idinagdag nito na:

“ngayon, tayo na ang bibili ng bakuna".


Naniniwala si Pangan na ang pagbabakuna at booster lamang ang tanging panlaban ng isang tao sakaling siya ay madapuan ng COVID.


Idinagdag pa ni Pangan na ang mga bakunado at may booster ay maaaring maging asymptomatic o mild kapag nagka-COVID at 'di katulad ng mga walang bakuna na tiyak na magiging severe ang kaso tulad ng siyam na napaulat sa Maynila na tinamaan ng COVID.


 
 

ni Lolet Abania | August 10, 2021



Nagbabala si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa mga vaccine recipients na hindi dumarating sa kanilang iskedyul ng pagbabakuna na magiging “blacklisted” na sila sa COVID-19 inoculation program simula ngayong Martes.


Sa isang pahayag ni Tiangco kahapon, halos 500 katao na nakaiskedyul na tumanggap ng vaccine dose ang hindi nagpakita sa vaccination sites.


“Kaya simula bukas, kapag hindi kayo dumating sa schedule na pinili ninyo, maba-blacklist na kayo at hindi na kayo makakapag-schedule muli hanggang matapos na magpabakuna ang lahat ng populasyon,” ani Tiangco.


Ipinunto ni Tiangco na ang mga indibidwal na nais na magpabakuna ay napagkakaitan ng pagkakataon dahil sa mga dapat sanang bakunahan subalit hindi dumating sa iskedyul, gayung limitado lamang ang slots para sa vaccination.


Pinayuhan naman ng mayor ang mga hindi pa nakatatanggap ng confirmation text message ng kanilang vaccination schedule na kumuha ng screenshot ng ‘confirmation for a schedule’ at iprisinta ito sa vaccination site ng lungsod.


Samantala, nitong Lunes umabot na sa 975 ang active cases, habang 395 naman ang namatay dahil sa COVID-19 sa Navotas City.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 10, 2021



Suportado ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagbabakuna sa mga menor de edad laban sa COVID-19 kung mayroon umanong sapat na suplay ang bansa.


Aniya, pinag-aaralan na ng Vaccine Expert Panel at All Experts Group ng DOH ang naturang hakbang sa pagbabakuna sa mga kabataan.


Ani Duque sa isang panayam, “Supply permitting, I wouldn’t mind that we should already start vaccinating children for as long as, first, we prioritize which among the children, those with comorbidities, of course let’s vaccinate them.”


Samantala, kamakailan ay sinabi ng vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr. na ang pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 ay posibleng masimulan na sa Setyembre o Oktubre, depende sa suplay ng bakuna.


Ayon naman sa Food and Drug Administration (FDA), kung isasama sa vaccination program ng pamahalaan ang mga menor de edad, madaragdagan ng 12 million hanggang 14 million ang mga kakailanganing mabakunahan kontra COVID-19.


Samantala, noong Lunes, ayon sa DOH, umabot na sa 13,087,781 ang mga nakatanggap na ng unang dose ng bakuna habang 11,391,969 naman ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page