ni Lolet Abania | October 6, 2021
Isasagawa ang pilot vaccination ng mga kabataan na edad 12 hanggang 17-anyos na may comorbidities sa walong ospital simula Oktubre 15.
Ang mga ospital na napiling mag-administer ng COVID-19 vaccine sa mga menor-de-edad na may comorbidities ay Makati Medical Center, St. Luke’s Hospital, Philippine Children Medical Center, National Children's Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center at Philippine General Hospital.
Naglabas na rin ang Department of Health (DOH) ng list ng 11 medical conditions para maging eligible ang mga kabataan sa pagbabakuna kontra-COVID-19.
Sinabi naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga bata na magpapabakuna ay kinakailangang may clearance mula sa kanilang mga doktor kasabay ng pagbibigay ng mga ito ng consent at pagsang-ayon.
Payo rin ni Vergeire sa mga magulang na i-register ang kanilang mga anak sa kanilang local government units (LGUs). Sa isang interview kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., sinabi nitong ang mga batang edad 15 hanggang 17-anyos ang unang babakunahan laban sa COVID-19.
Ayon pa kay Galvez, sakaling walang nakita o lumabas na adverse side effects, ang inoculation program ay ipagpapatuloy naman sa ibang lugar.
“Kung magkaroon man ng mga adverse event following immunization, at least nasa loob na po ng mga ospital at mabilis na matugunan kung magkaroon man ng emergency,” paliwanag ni DOH Secretary Francisco Duque III.
Para naman sa posibleng side effects, sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na ilan dito ang anaphylaxis, myocarditis, sakit ng ulo, masakit na katawan at allergies.
Gayunman, tiniyak ni Cabotaje sa publiko na mayroong guidelines para gamutin ang mga batang makararanas ng side effects.