ni Eli San Miguel @Overseas News | Oct. 6, 2024
Naglunsad ang mga opisyal ng kalusugan ng Congo, ng kanilang kauna-unahang kampanya sa pagbabakuna laban sa mpox nitong Sabado upang pigilan ang lalong paglaganap ng sakit sa Democratic Republic of Congo patungo sa iba pang mga bansa sa Africa ngayong taon.
Isinagawa ang isang seremonya sa Goma, kung saan ang mga health worker ang unang tumanggap ng mga dosis ng bakuna. Nagbabala ang Ministry of Health na maliit ang saklaw ng kampanya dahil sa limitadong mga resources, na mayroong 265,000 dosis ng bakuna na kasalukuyang magagamit, bagaman may mga karagdagan pang paparating.
"The rollout of the vaccine marks an important step in limiting the spread of the virus and ensuring the safety of families and communities," pahayag ni Matshidiso Moeti, ang direktor ng World Health Organization sa Africa.
Kumakalat ang mpox sa pamamagitan ng malapitang kontak, at maaari itong maging nakamamatay sa mga bihirang pagkakataon. Karaniwan itong nagdudulot ng mga sintomas na parang trangkaso at mga pus-filled lesions sa katawan. Noong Agosto, idineklara ng World Health Organization ang outbreak bilang isang public health emergency.