ni VA @Sports | March 5, 2024
Buhat sa dalawang sunod na gold medal finish, tila nalihis sa kanyang target ang Filipino pole vaulter na si EJ Obiena sa pagsabak nito sa World Athletics Indoor Championships nang tumapos itong kabilang sa bottom half ng 11 mga kalahok sa nasabing event.
Sa kabila ng kanyang kasalukuyang Estado, hindi maiiwasang magkaroon din ng off day si Obiena at sa kasamaang-palad ay natapat ito sa pagsalang niya sa world indoor championship.
Tumapos lamang na pang-siyam ang Paris-bound Filipino pole vaulter sa kompetisyong idinaos noong Linggo-Marso 3 sa Glasgow, Scotland.Target sana ni Obiena na maging unang Filipino na magwagi ng medalya kapwa sa indoor at outdoor world championships, hanggang 5.65 meters lamang nagawang matalon ni Obiena.
Nag-foul sa kanyang first vault, nakadalawang attempts si Obiena bago nalagpasan ang 5.65 meters at dun na siya nahirapang makabalik sa kontensiyon.Bigo sa kanyang sumunod na dalawang attempts sa taas na 5.85 meters, ipinataas niya ang baras sa 5.90 meters para sa huli niyang tsansa, subalit bigo pa rin siyang matalon ito.Nabigong dugtungan ng world ranked no.2 na si Obiena ang kanyang 5.83 meters na gold medal win sa Memorial Josip Gasparac sa Croatia at ang kanyang Asian indoor record breaking vault na 5.93 meters sa ISTAF Indoor Berlin sa Germany.Tagumpay namang naidepensa ng world record holder at reigning Olympic champion ang kanyang indoor crown sa kanyang naitalang 6.05 meters.
Pumangalawa sa kanya si Sam Kendricks ng US na nagwagi ng silver sa kanyang vault na 5.90 meters habang nagkamit ng bronze si Emmanouil Karalis ng Greece sa naitalang 5.85 meters.
Walo sa mga Paris Olympic-bound pole vaulters ang lumahok sa nasabing kompetisyon sa Glasgow na kinabibilangan nina Obiena, Duplantis,Karalis, ang Australian na si Kurtis Marschall, Thibaut Collet ng France.