ni VA @Sports | June 25, 2024
Kinumpleto ng University of Santo Tomas ang sweep sa women's division, habang nanguna naman ang New South Wales Phoenix ng Australia sa men's side sa pagtatapos ng Beach Volleyball Republic on Tour Sipalay leg noong Linggo sa Poblacion Beach.
Pinayukod nina Sofiah Pagara at Khy Progela ang National University tandem nina Honey Grace Cordero at Kat Epa, 21-18, 21-13, upang kumpletuhin ang 4-game sweep.
Nagawa namang nalusutan ng Aussies na sina Killian Donovan at Jett Graham ang matinding hamon mula kina Alas Team-A Ranran Abdilla at AJ Pareja sa huling dalawang sets upang maitala ang 21-13, 17-21, 15-12 panalo at makumpleto rin ang 4-game sweep sa kanilang kampanya.
Nauna nang tinalo ng reigning UAAP champion UST Tiger Sands ang NU sa loob ng tatlong sets noong Sabado. Sa kabilang dako, ginamit naman nina Donovan at Graham na nagtapos na pang-apat noong nakaraang buwang Asian Under-19 Beach Volleyball Championships sa Roi-Et, Thailand,ang kanilang height advantage upang makamit ang kampeonato.
Sa women's semifinals, ginapi nina Pagara and Progella ang Strong Group Athletics tandem nina Gem at Euri Eslapor, 21-17, 21-16, upang maitakda ang Finals duel nila nina Cordero at Epa na nanaig kontra sa Pontevedra pair nina Erjane Magdato at Perper Cosas, 18-21, 21-14, 15-7.
Sa men's division, dinomina naman nina Donovan at Graham ang Cebuano duo nina Samlet Booc at Micael Marabe, 21-10, 21-8, habang namayani naman sina Abdilla at Pareja laban sa UST pair nina Aldwin Gupiteo at Dominique Gabito, 21-15, 21-11.
Nakamit nina Magdato and Cosas ang bronze makaraang igupo ang magkapatid na Eslapor, 28-26, 19-21, 15-13. Naka-podium finish din sina Gupiteo at Gabito matapos walisin ang bronze medal match nila nina Booc at Marabe, 21-13, 21-15.