ni VA @Sports | February 3, 2024
Sisimulan ng PBA nang mas maaga ang Commissioner’s Cup finals habang mapapaaga rin ang pagbubukas ng 2024 Philippine Cup upang bigyang daan ang preparasyon at paghahandang gagawin ng Gilas Pilipinas para sa unang dalawang windows ng FIBA Asia Cup 2025 qualifiers.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, ginawa nila ang kaukulang adjustment para sa nakatakdang pagsabak ng Gilas sa darating na Fiba Asia Cup qualifiers na idaraos sa Hong Kong sa Pebrero 22 at sa Chinese Taipei sa Pebrero 25 gayundin sa Fiba Olympic qualifying tournament 2024 na gaganapin naman sa Riga, Latvia sa Hulyo 2 - 7.
Kaya naman sinimulan na ang Commissioner's Cup finals kagabi, dalawang araw pagkatapos makamit ng Magnolia ang huling finals berth makaraang talunin ang Phoenix Super LPG sa semis.
Ang opening ng 48th season Philippine Cup ay isasagawa sa Pebrero 28 sa halip na Marso 3, ayon pa sa PBA chief upang mabigyan pa ang Gilas Pilipinas ng karagdagang mga araw upang mapaghandaan ang OQT kung saan may apat na spots na nakataya para sa 2024 Paris Olympics. “Etong finals, dapat may gap ito ng isang araw pa. Dapat Linggo pa ito. Pero ito ay dahil sa Gilas para mapakawalan natin sa Gilas ang mga players,” paliwanag ni Marcial.