ni BRT | February 5, 2023
Napagkasunduan ng Estados Unidos at Pilipinas na muling ipagpatuloy ang pagsasagawa ng joint maritime patrols sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay matapos na una nang suspendihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng anumang maritime patrol sa nasabing pinag-aagawang isla.
Kasunod ng naging pagbisita ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III sa Pilipinas ay inihayag nito na kanilang napagkasunduan ni National Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. na muling simulan ang pagsasagawa ng joint maritime patrols sa WPS bilang bahagi ng pagtugon sa mga nararanasang regional security challenges sa lugar tulad na lamang ng mga namamataang ilegal na presensya ng mga barko ng China doon.
Ito ay alinsunod pa rin sa naging kasunduan ng dalawang bansa na mas paigtingin ang Mutual Defense sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Samantala, nilinaw naman ng mga kinauukulan na patuloy pang pinaplantsa ang mga guidelines kung paano nila isasagawa ang naturang joint maritime patrol sa WPS.