ni Zel Fernandez | May 12, 2022
Kasunod ng pamamayagpag sa bilangan ng mga boto nitong 2022 National Elections, at sa nalalapit na proklamasyon bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas, naglabas ng pahayag ang White House na nakausap na ni U.S. President Joe Biden si presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kahapon ng Mayo 11, 2022.
Ayon sa pahayag, “President Joseph R. Biden, Jr. spoke today with President-elect Ferdinand Marcos, Jr. of the Philippines to congratulate him on his election. President Biden underscored that he looks forward to working with the President-elect to continue strengthening the U.S.-Philippine Alliance, while expanding bilateral cooperation on a wide range of issues, including the fight against COVID-19, addressing the climate crisis, promoting broad-based economic growth, and respect for human rights.”
Nakasaad sa naturang White House release, kasabay ng pagbati ni Biden sa nalalapit na pagkahalal ni Marcos Jr. bilang bagong pangulo ng bansa ay nakahanda na ang Estados Unidos na patuloy pang pagtibayin ang alyansa at pakikipag-ugnayan nito sa Pilipinas ukol sa mga maraming usapin kabilang ang pagsugpo sa COVID-19, krisis sa klima, malawakang pagsusulong ng pagyabong ng ekonomiya at ang pagkilala sa karapatang-pantao.
Nauna rito, naging usap-usapan sa social media ng ilang mga supporters nina Robredo at Pangilinan ang umano’y hindi magandang relasyon ni Marcos sa U.S. kaya hindi anila ito makatatapak sa bansa.
Gayundin, pinangangambahan ng mga ito na ang paghahalal kay BBM bilang bagong presidente ay posible umanong magdulot ng pagkawala ng mga business process outsourcing (BPO) companies sa Pilipinas na lubos na makaaapekto sa milyong call center agents sa bansa.
Gayunman, kasabay ng mga espekulasyong hihina umano ang ekonomiya ng bansa kapag naging pangulo si Marcos Jr., patuloy ding napapabalita ang mga pagbati sa kanya ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa.