ni Lolet Abania | Pebrero 6, 2023
Arestado ang isang University of the Philippines (UP) professor ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa umano non-remittance nito ng Social Security System (SSS) contributions.
Batay sa inisyal na report ng QCPD-Criminal Investigation Detection Unit, si Professor Melania Flores, dating presidente ng All U.P. Academic Employees Union (AUAEU) at residente ng UP Campus, Diliman, Quezon City, ay inaresto bandang alas-11:00 ng umaga ngayong Lunes.
Nabatid na si Flores ay subject sa isang warrant of arrest dahil sa umano paglabag nito sa Section 22 (a) in relation to Section 22 (d) at Section 28 (e) sa ilalim ng Republic Act 8282. Dinala na si Flores sa Camp Karingal para sa imbestigasyon.
Sa isang Facebook post, ayon sa human rights group na Karapatan National Capital Region, dalawang babae at dalawang lalaking police officers na nakasuot ng sibilyan, ang nagpunta sa bahay ni Flores at nagpakilalang mga empleyado ng Department of Social Work and Development (DSWD).
Ipinakita ng mga police officers ang warrant of arrest nang buksan na ni Flores ang gate ng kanyang bahay.
Agad namang nanawagan ang iba’t ibang organisasyon gaya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), AUAEU, UP Diliman University Student Council, at UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas para palayain si Flores.
Ayon sa mga nasabing grupo, ang pag-aresto kay Flores ay paglabag sa naging kasunduan ng UP-Department of the Interior and Local Government (UP-DILG) Accord of 1992, kung saan ang pulisya ay pumasok sa nasabing campus na walang anumang koordinasyon sa UP Diliman administration.