ni Zel Fernandez | May 8, 2022
Matapos ianunsiyo ng PhilHealth ang nakatakdang pagtaas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito, umapela si Senador Joel Villanueva na kailangan na rin aniyang maningil ng taumbayan kaugnay sa kinasasangkutang isyu ng ahensiya.
Paglalahad ng senador, kabilang umano sa mga tanong na dapat sagutin ng PhilHealth ang mga hakbang na ginawa at ginagawa ng PhilHealth upang maresolba ang mga anomalyang naungkat sa panahon ng pagdinig ng Senado.
Ani Villanueva, dapat din umano na ang kahingiang dagdag-kontibusyon sa PhilHealth ay maging katumbas ng pinagbuting health services na mapapakinabangan ng bawat miyembro ng ahensiya, tulad ng pagkakaroon ng mas malawak na outpatient drug benefit at emergency package ng PhilHealth batay sa Universal Health Care (UHC) Act.
Dagdag pa ng mambabatas, kapansin-pansin na mistula umanong pasakit sa mga mamamayan ang taas-singil sa PhilHealth contribution sa halip na maramdaman ang serbisyong nakukuha sa PhilHealth.
Giit ni Villanueva, ang Universal Health Care Law ay naisabatas para mabigyan ng de-kalidad na healthcare system ang mga Pinoy at hindi upang pagyamanin ang PhilHealth.