ni Lolet Abania | June 11, 2021
Idineklara ng World Health Organization (WHO) at UNICEF na natapos na ang polio outbreak sa Pilipinas makaraang ang sakit na ito ay muling kumalat sa bansa noong 2019.
Ayon sa dalawang international bodies, opisyal na inihayag ng Department of Health (DOH) na natapos na ang pagkalat ng sakit na polio sa bansa nitong June 3, 2021.
“The decision came as the virus has not been detected in a child or in the environment in the past 16 months and is a result of comprehensive outbreak response actions including intensified immunization and surveillance activities in affected areas of the country,” ayon sa inilabas na joint statement ng WHO at UNICEF ngayong Biyernes.
Matatandaang noong September 2019, naiulat ang muling pagtama ng naturang sakit sa Pilipinas matapos na 19 na taong polio-free ang bansa.
Agad na nakipag-ugnayan ang DOH sa WHO at UNICEF upang masimulan ang polio vaccination campaign ng gobyerno.
Nitong unang buwan ng taon, ayon sa DOH nasa 72.9 porsiyento o mahigit sa 3.4 milyong mga bata ang nabakunahan laban sa polio kasabay ng kampanya nito na isinagawa noong February.
“This is a major win for public health and is an excellent example of what collective efforts can attain, even in the midst of the COVID-19 pandemic,” ani WHO Philippine Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.
“We must keep the momentum and accelerate routine immunization and safeguard essential child health services while rolling out COVID-19 vaccines for priority groups,” sabi naman ni UNICEF Philippines Representative Oyunsaikhan Dendevnorov.
Gayundin, upang mapanatili ang ginawang pagsugpo sa sakit, inirekomenda ng WHO sa DOH na bigyan ng higit na prayoridad para sa de-kalidad na poliovirus surveillance, magdebelop ng quarterly surveillance desk reviews, at maglaan ng proteksiyon para sa mga workers na kasama sa vaccination efforts.