ni Mary Gutierrez Almirañez | April 5, 2021
Itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang posibilidad na i-extend hanggang tatlong linggo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus Bubble, batay sa pahayag niya ngayong umaga, Abril 5.
Aniya, “Considering the statement of Secretary Avisado and that Congress is in recess so we will have to request for a special session for a supplemental budget, I don’t think we will have an ECQ for a third week. The model that the DOH is looking at is two weeks of ECQ and another week of MECQ.”
Nilinaw din niyang isang beses lamang maaaring matanggap ang financial assistance na P4,000 kada pamilya at ang P1,000 cash o in-kind goods para sa low-income individuals. Paliwanag pa niya, “Traditional naman po na ang pasok lang naman talaga ay Monday to Tuesday, kaya dalawang araw lang po talaga ang nawala na kita sa ating mamamayan. The P4,000 per family… that will never be enough, but the nature of ayuda is to help pass this period na hindi makakapagtrabaho. ‘Yun na po ‘yun.”
Pinatotohanan naman iyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Bernardo Florece, "Tinanong din natin 'yan kay Secretary Wendel Avisado ng DBM, ang sabi niya, one-time lang ito kasi parang emergency relief assistance lang."
Ngayong araw ay inaasahang matatanggap na ng mga alkalde ang relief funds na inilaan sa kanilang lungsod para ipamahagi sa mga empleyadong naapektuhan ng lockdown.
Sa pagpapatuloy ng ECQ ay inaasahang mababawasan ng mahigit 4,000 ang mga nagpopositibo sa COVID-19 kada araw.
Ayon pa kay Roque, “We expect to reduce the COVID-19 cases by 4,000 a day by May 15.”