top of page
Search

ni Thea Janica Teh | November 14, 2020




Pinapunta na sa Cagayan Valley kaninang madaling-araw ang Philippine Marine rescue team upang saklolohan ang mga residenteng na-stranded sa kanilang mga bahay at bubong dahil sa Bagyong Ulysses, ayon kay Vice-President Leni Robredo.


Viral ngayon sa social media ang paghingi ng tulong ng mga residente sa Cagayan at ilan pang kalapit na lugar dahil ilang araw na silang stranded at tumataas pa ang baha. Kaya naman agad itong inaksiyunan ni VP Leni at nagpadala ng rescue team.


Ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang isang sanhi ng patuloy na pagtaas ng tubig sa rehiyon dahil naabot na nito ang critical level. Kaya naman, nahirapan ang mga rescuers sa pagpunta sa Cagayan at Tuguegarao dahil sa lakas ng daloy ng tubig at hindi posible ang land transportation sa ibang area.


Ayon kay Cagayan Gov. Manuel Mamba, mistulang naging Pacific Ocean ang kanilang probinsiya dahil sa baha. Bukod pa rito, sinabi ni Col. Ascio Macalan ng Cagayan Provincial Risk Reduction and Management Office na lahat ng munisipyo na tabi ng Cagayan River ay binaha. Nalagpasan din umano ng baha ngayon ang baha noong 2019.


Sa ngayon ay nakarating na rin ang iba pang rescue team tulad ng Philippine Coast Guard at Philippine Army sa Brgy. Linao East upang tumulong sa pag-rescue sa mga na-stranded.


 
 

ni Thea Janica Teh | November 13, 2020




Umabot na sa 39 katao ang namatay at 12 pa ang pinaghahanap dahil sa Bagyong Ulysses na tumama nitong Miyerkules sa Pilipinas.


Sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes kasama ang iba pang Cabinet officials, sinabi na umabot na sa 14 katao ang namatay batay sa naitala ng mga local government units (LGU).




Ngunit, agad na nag-update ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at sinabing nakapagtala na sila ng 39 namatay at 12 pa ang nawawala.


Sa parehong press briefing, ibinahagi ni Interior Secretary Eduardo Año na umabot sa 38,500 indibidwal ang na-rescue.


Ang Bagyong Ulysses ang ika-8 bagyo na tumama sa bansa sa nakalipas na 2 buwan at ika-21 sa taong 2020. Ito ay sumunod sa Bagyong Rolly na ikinamatay naman ng 25 katao at ikinasira ng libu-libong bahay sa Bicol Region.


 
 

ni Thea Janica Teh | November 13, 2020




Isinailalim na ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang kanilang lungsod sa state of calamity ngayong Biyernes dahil sa naging epekto ng Bagyong Ulysses. Ito umano ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makabawi sa hirap at pinsalang nararanasan ngayon.


Dagdag pa ni Teodoro, hindi lang sa baha apektado ang mga residente ng Marikina kundi pati na rin sa COVID-19 pandemic. Nitong Huwebes, dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng bagyo, umapaw ang ilog ng Marikina na naging sanhi ng mabilisang pagtaas ng baha sa lungsod.


Kaya naman idineklara rin sa lungsod na suspendido ang online at distance learning classes hanggang Martes upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ma-retrieve ang mga modules na nabasa ng baha.


Bukod pa rito, magtatalaga rin ng mga doktor sa bawat barangay ng lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng kalusugan ng mga residente.


Sa pagdedeklara ng state of calamity, may karapatan ang lungsod na magkaroon ng calamity fund na makatutulong sa mga residente na makaahon muli.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page