top of page
Search

ni Lolet Abania | November 19, 2020



Nasa 110 pamilya ang inilikas at pansamantalang naninirahan sa eskuwelahan dahil sa pangambang muling gumuho ang lupa mula sa bundok sa isang barangay sa Baggao sa Cagayan.


Ayon kay Mayor Joan Dunuan, nagpatupad na sila ng forced evacuation sa mga residente ng Barangay Taytay dahil posible na tuluyang gumuho ang bundok, kung saan una nang nagkaroon ng landslide matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.


“May crackings na po at unti-unti nang pabagsak 'yung bundok, ‘yung lupa so, kailangan silang i-relocate,” sabi ni Dunuan.


Gayunman, dinala ang mga evacuees sa eskuwelahan dahil sa walang evacuation center ang nasabing bayan.


“Hirap din po ako doon sa 110 families, 362 family members, kailangang mabigyan ng tulong din kahit papaano higit lalo po 'yung malilipatang bahay siguro o livelihood po,” sabi niya.


Plano rin ng alkalde na magkaroon ng livelihood program para sa mga apektadong residente nang sa gayon ay hindi na sila bumalik pa at manirahan sa bundok upang magtanim ng mais.


“Sira lahat ng pangkabuhayan nila, umaapela po ako sa national government ng livelihood (program) para sa nawalan ng bahay,” sabi ni Dunuan.


“May apat kaming namatay dahil sa pagbagsak ng bundok, natabunan ang kanilang bahay. Nakatira kasi sila sa foot ng bundok, ‘di nila sukat akalain, mga ala-1 (ng madaling-araw) bumagsak 'yung bundok at sila ‘yung nabagsakan, natabunan,” sabi ni Dunuan patungkol sa naunang insidente.


Labis naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Baggao sa mga naghatid ng tulong sa mga residente ng kanilang bayan matapos ang Bagyong Ulysses.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 18, 2020




Naglaan ng P1.8 bilyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang lubos na naapektuhan ng dumaang mga bagyo.


Sa inilabas na pahayag ng DOLE, naglaan umano ito ng P312 milyon para sa mga kuwalipikadong manggagawa sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at P307 milyon naman para sa mga informal sector workers sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Cagayan Valley.


Bukod pa rito, namahagi rin ang DOLE ng 100 fiberglass boots para sa mga mangingisda sa Cagayan province na nagkakahalaga ng P10 milyon. Naglaan din ng P14 milyon para sa 3,000 informal sector workers sa Calabarzon.


Tinatayang nasa P190 milyon naman ang inilaan para sa 34,000 apektadong manggagawa sa Mimaropa habang P500 milyon naman para sa 74,000 manggagawa sa Bicol.


Nasa P24 milyon ang inilaan para sa apektadong manggagawang kabilang sa pribadong sektor na ipinamahagi noong Martes.


Matatandaang hinagupit ng Bagyong Rolly, Quinta at Ulysses ang ilang parte ng Luzon kaya idineklara ang ilang lugar sa state of calamity.

 
 

ni Twincle Esquierdo | November 18, 2020



Matapos ang Bagyong Rolly at Ulysses, isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa state of calamity.

Sa isang panayam nitong Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na napirmahan na niya ang papel na nagsasabing isasailalim ang buong Luzon sa state of calamity.


“Mukhang napirmahan ko na ata last night, I think I signed the proclamation,” sabi ng pangulo.


Ayon naman kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad, "It was approved during the meeting the recommendation for President Rodrigo Duterte to place under state of calamity the entire Luzon to address the impacts of the latest typhoons that hit the country.


"It was also agreed during the meeting to convene a technical working group of the joint prevention, mitigation and preparedness clusters of the NDRRMC to assess the current dam management," sabi pa ni Jalad.


Inatasan naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang PAGASA na muling balikan ang mga nagdaang bagyo upang paigtingin ang mga babalang isasapubliko.


Binigyang-diin ni Lorenzana sa pagpupulong ang iba't ibang pangangailangan ng mga ahensiya tulad ng pagbibigay ng tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda, paglilinis ng kalsada, mga kinakailangan sa tirahan at iba pang mga recovery interventions.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page