ni Lolet Abania | February 22, 2022
Sa kabila ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, hindi pa rin nagpapatupad ng mandatory repatriation ang pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Ukraine, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa isang interview ngayong Martes kay OWWA Administrator Hans Cacdac, tinatayang may 380 Pilipino ang nasa Ukraine, kung saan marami sa kanila ang naninirahan sa kapitolyo ng Kyiv.
Una nang naiulat na limang Pinoy na, kabilang ang isang sanggol, ang dumating sa bansa na mula sa Ukraine.
Gayunman, ayon kay Cacdac, hindi pa inilalagay ng pamahalaan sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Ukraine, kaya wala pang ipinatutupad na mandatory repatriation o evacuation para sa mga OFWs.
“Sa ngayon, ang approach ay tila wait and see. Tingnan kung ano ang mangyayari. Hindi pa nakataas ang highest alert level sa panig ng pamahalaan natin, sa side ng DFA (Department of Foreign Affairs) at POEA (Philippine Overseas Employment Administration), so wala pang mandatory repatriation,” paliwanag ni Cacdac.
Subalit, sinabi ng opisyal na handa namang tulungan ng Philippine Embassy sa Warsaw ang mga Pinoy sa Ukraine na nagnanais nang umuwi ng bansa.
“Sa huling pagkakaulat sa atin, ay may dalawa na nag-express ng interest na makauwi. Other than that, hindi pa natin nakikita ‘yung tinatawag na mass repatriation dito sa Ukraine,” sabi ni Cacdac.
Samantala, patuloy ang babala ng United States na posibleng salakayin ng Russia ang kalapit na bansa nitong Ukraine.
Batay sa report nitong Lunes (oras sa Russia), inatasan na ni Russian President Vladimir Putin ang kanyang militar na magtungo sa Donetsk at Lugansk, dalawang breakaway regions sa eastern Ukraine, makaraang kilalanin nito ang pagiging “independent” ng mga naturang lugar mula sa Ukraine.
Tiniyak naman ni Cacdac sa publiko na handa ang gobyerno sakaling isagawa na ang evacuation o repatriation para sa mga OFWs na nasa Ukraine.
“We will be ready. We stand ready, of course. This is not the first time that we will be doing this. Meron na ‘yang mga identified relocation points, exit points,” sabi pa ni Cacdac.
Nanawagan din ang opisyal na dapat na magtiwala sa political at security assessment na isinasagawa ng Philippine Embassy sa Warsaw patungkol sa estado ng mga Pinoy sa Ukraine.
“Kaya sila ang nandodoon para sila ang sumuri para sa atin. Siyempre iba pa ‘yung nasasagap natin sa balita, but our people on the ground will make the final call as to whether itataas ‘yung alert level. So far, ang assessment is hindi pa sapat para magkaroon ng Alert Level 4, ‘yung pinakamataas,” giit ni Cacdac.