ni Zel Fernandez | May 4, 2022
Babala ng Department of Agriculture (DA), posible umanong makaranas ng food crisis sa bansa dulot ng iba't ibang mga kadahilanan.
Pagtukoy ni Agriculture Secretary William Dar, isang pangunahing dahilan umano ng daranasing taggutom sa bansa ay ang kaguluhan sa Ukraine na kasalukuyan aniyang nakaaantala sa global food supply chain.
Paliwanag ng kalihim, ito ang dahilan ng kabawasan sa agricultural productivity, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng mundo.
Pangamba ng kahilim kung patuloy pang hindi mapataas ang produksiyon ng pagkain hanggang sa susunod na dalawang taon ay mayroong posibilidad na mangyari ang kakulangan ng makakain sa bansa.
Kaugnay nito, nanawagan si Dar sa lahat ng mga stakeholders sa sektor ng agrikultura na pagtuunan ito ng pansin ng mga kawani ng ahensiya.
Gayundin, nagpahiwatig na ang kalihim ng apela sa susunod na administrasyon na dagdagan ang budget ng ahensiya bilang tugon sa mga problemang kahaharapin ng sektor ng agrikultura.